MAKAILANG ulit na rin akong nakatatanggap ng mga sumbong – sa pamamagitan ng text message, tawag sa cell phone at email – mula sa ilan nating kababayan sa iba’t ibang lugar sa buong bansa, hinggil sa naglipanang “menor de edad” na tulak ng droga.
Sa naglalakihang isyu sa ating kapaligiran, hindi ko ito agad nabigyang-pansin hanggang sa nabasa ko na lamang ito na pinag-uusapan ng ilang friend ko sa social media. Hindi ko na babanggitin kung sinu-sino sila dahil alam kong kapag ang bagay na ito ay lantarang pinag-uusapan ng mga taga-barangay, nalalagay lamang sila sa panganib.
Ayon sa kanila, halos lahat ng nakikita nilang “runner” na direktang nag-aabot ng droga sa kanilang mga lugar ay mga BATA. Sila raw ngayon ang ginagamit ng mga bigtime na tulak sa iba’t ibang lugar upang ‘di mahuli ng awtoridad.
Ang matagumpay kasi na “first line of defense” laban sa pagiging sugapa sa droga ay ang aktibong partisipasyon ng mga opisyal ng bawat barangay. Sila ang nagiging “mata at tenga” ng awtoridad sa mga lugar na hindi agad-agad naiikutan ng ating mga pulis. Sabi ng kaibigan kong pulis, walang maitatayong mga laboratoryo ng shabu sa isang lugar kapag mapagmanman ang mga barangay kagawad sa kanilang nasasakupan.
Ngunit kapag batang ka-barangay na nila ang nasangkot sa ganitong ilegal na gawain, ‘di maiiwasan na karamihan sa kanila ay “nagpupusong-mamon” kapag iniyakan na ng mga magulang na kakilala rin nila dahil sa matagal na nilang ka-barangay at kapitbahay. At ito naman ang sinasamantala ng mga bigtime pusher – ang gamitin ang isang walang malay na bata sa ilegal na operasyon sa pamamagitan ng pagsilaw sa malaking kikitain – hanggat ito ay hindi pa nabubuko na ginagamit nilang mga “tulak” sa kanilang barangay.
Hindi kasi pansinin kapag mga bata ang ginamit sa pagpapaabot ng droga, ngunit ang nagiging “giveaway” daw sa bagong “modus operandi” na ito ng mga bigtime pusher ay ang kapansin-pansing biglang pakikipag-usap ng mga bata sa mga ‘di naman nila kakilalang dumarayo sa kanilang barangay.
Mahuli man, ngunit dahil sa menor de edad pa lamang, siguradong... sa DSWD lang pupulutin ang mga ito— at alam naman nating kulang sa pasilidad ang tanggapan para kumalinga ng mga bata.
May ilang barangay chairman na rin sa Maynila ang nakapagkuwento sa akin tungkol sa bagay na ito, kaya bigla kong naalala ang mga sumbong na saglit ko lang naman isinantabi. Paulit-ulit pa nga ang panawagan nila sa mga magulang sa kanilang barangay: “Bantayang mabuti ang kanilang mga anak, lalo na ‘yung mga tumutulong sa kanila para maghanapbuhay. Kapag nag-uwi ng medyo may kalakihang halaga, huwag agad matuwa. Maging mausisa at mapagmanman.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)