Hindi malilipol na mag-isa ng pamahalaan ang mga puwersa ng kasamaan sa Marawi City kaya kailangan nito ang lahat ng makatutulong, kabilang ang mga senador at ang publiko, sabi ng Malacañang kahapon.

Ito ang inamin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella habang nagpapahayag ng pasasalamat sa mga senador na bumoto ng pagsuporta sa martial law na idineklara ni Pangulong Duterte sa Mindanao.

“We thank the Senate for its resolution expressing support to the President’s declaration of martial law in Mindanao,” sabi ni Abella. “The President has acted swiftly and decisively to suppress the ongoing rebellion in Marawi and to prevent its spread in the provinces of Mindanao. However, the executive branch cannot do it alone.”

Inamin ni Abella na kailangan nila ang kooperasyon ng buong pamahalaan at ang suporta ng mamamayan “to finally flush out the evil forces, restore normalcy, and bring peace to the island of Mindanao.”

National

VP Sara Duterte, itinangging spoiled brat siya

Labinlimang senador ang pumirma sa resolusyon na nagsasaad na ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao ay naaayon sa batas at Konstitusyon. Ang mga senador, sa pamumuno ni Senate President Aquilino Pimentel III, “(found) no compelling reason to revoke (the martial law proclamation in the south).”

Samantala, nanindigan sina Sens. Francis Escudero at Grace Poe na hindi na kailangan pa ang isang resolusyon para suportahan ang batas militar.

Ayon kay Poe, hindi siya tutol sa martial law lalo na kung ito lamang ang makapipigil sa kaguluhan sa Marawi City, pero hindi naman daw puwede na magkaroon ng resolusyonn dahil wala namang probisyon nito sa ating saligang-batas.

Sinabi naman ni Senator Francis Escudero na bagamat wala siyang nilagdaang resolusyon, hindi naman daw siya pabor na bawiin ang batas militar ngayon sa Marawi City sakaling may maghain ng resolusyon.

Ang 15 senador na sumuporta sa martial law ay sina Pimentel, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Gringo Honasan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Joel Villanueva , Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri. (Genalyn D. Kabiling at Leonel M. Abasola)