Nagkabutas-butas ang katawan ng Pasig City government employee nang pagbabarilin ng anim na armado sa kanyang bahay sa Barangay Sagad, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Nagpapahinga umano si Edwin Sumilang, 34, nakatalaga sa City Environment and Natural Resource Office (CENRO), nang biglang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Sa ulat ni SPO1 Ricardo Allapitan, ng Pasig City Police, dakong 9:15 ng gabi pinasok at pinatay ang biktima sa kanyang bahay.
Ayon kay Divine Grace Sicat, kaanak ng biktima, matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan sa tatlong motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na minsan nang sumuko si Sumilang sa Oplan Tokhang at kabilang sa drug watch list ng barangay. (Mary Ann Santiago)