MATATAPOS at mamamaalam na bukas, Mayo 31, ang buwan ng Mayo na bahagi ng mainit at maalinsangang panahon. Tinatawag din itong Buwan ng mga Bulaklak at Kapistahan na masaya at makulay na ipinagdiriwang sa mga barangay at bayan sa iba’t ibang lalawigan ng iniibig nating Pilipinas. Bahagi ng pasasalamat ang pagdiriwang. Panahon ng pag-ahon sa Antipolo at pagtungo sa iba’t ibang dambana ng Mahal na Birhen sa mga lalawigan na patroness ng mga barangay at bayan na nagdiriwang ng kapistahan.

Sa mga Kristiyanong Katoliko, ang Mayo ay “Marian Month” o Buwan ni Maria sapagkat mula sa unang araw ng Mayo hanggang sa Mayo 31 ay inaalayan ng mga bulaklak ang Mahal na Birhen, sa pamamagitan ng “Flores de Mayo” ng mga batang babae at lalaki at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen, sa mga kapilya at simbahan. Nagdarasal ng Rosaryo at ng Litanya sa Mahal na Birhen. Umaawit ng “Dios te salve Maria llena de gracia (Hail Mary) bago mag-alay ng mga bulaklak at ng DALIT o awit-dasal kay Mama Mary habang nag-aalay ng mga bulaklak.

Kasunod ang misa na susundan ng pagbebendisyon ng pari sa mga nag-alay at nagsimba habang inaawit ng choir ang “Salve Regina” na isa ring awit-dasal sa Mahal na Birhen.

Hindi lamang mga halaman ang namumulaklak tuwing Mayo tulad ng Sampaguita, Kampupot, Kamia na pinipitas, tinutuhog at ginagawang kuwintas na iniaalay ng mga deboto at may panata sa Mahal na Birhen sa “Flores de Mayo” sa mga simbahan at kapilya. May namumulaklak din na mga punongkahoy tulad ng “Fire Tree” at “Morning Dew”. Ang mga bulaklak ng Fire Tree, sa kasagsagan ng pamumulaklak, ay parang nagliliyab na apoy kung tatanawin sa malayo. Ang Morning Dew ay lumilitaw ang mga kumpul-kupol na mga bulaklak sa katawan at mga sanga nito. Iniuugoy kapag sumisimoy ang hanging Amihan. Nalalagas at nalalaglag naman ang mga talulot ng bulaklak kapag dinadapuan ng mga honey bee o pulot-pukyutan.

Sinisipsip ang bango at katas ng mga bulaklak. Iniiwan pagkatapos na parang isang dalagang iniwan ng nagtalusirang kasintahan matapos lumobo ang tiyan o mabuntis. Mag-iisang magdusa sa panganganak.

Makulay at masaya ring tradisyon ang Santakrusan tuwing Mayo. Isang prusisyon ng Banal na Krus na ang tanging layunin ay gunitain at bigyang-halaga ang pagkakatagpo sa krus sa Kalbaryo ni Reyna Elena, ina ng batang hari na si Constantino. Tampok sa Santakrusan, na itinuturing na “Queen of Festival”, ang napiling koronahan bilang Reyna Elena.

Kasama sa Santakrusan ang iba pang sagala tulad ng Reyna de la Flores, Rosa Mistica, Reyna del Cielo, Reyna de los Virgines. Ang mga nabanggit ay hango sa Litanya para sa Mahal na Birhen.

Sa pamamaalam ng buwan ng Mayo, inaasahan na maiibsan na ang nadaramang init ng araw sapagkat kasunod na nito ang ulan na hatid ng Habagat. Marami ring maiiwang alaala at gunita. Ang pag-ahon sa Antipolo at debosyon sa Mahal na Birhen. Ang pagdiriwang ng Mothers’ Day, Pista ni San Isidro at pagpapahalaga sa mga magsasaka. At sa mga nag-alay ng mga bulaklak, bahagi ng alaala ng Flores de Mayo ang pag-awit ng Dalit... at Dios te salve llena eres de gracia, kasama ang pasasalamat na bahagi ng debosyon sa Mahal na Birhen.

Katulad ng mga bulaklak na namumukadkad at nalagas sa panahon ng tag-araw, ang buwan Mayo ay napipigtal din sa tangkay ng panahon. Ang pamamaalam ng Mayo ay laging may bahagi at nag-iiwan ng alaala sa diwa at puso ng mga nagdiwang, nagdebosyon at nag-alay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen. At sa pamamaalam ng Mayo, ang mga tradisyon na makulay at masayang binigyang-buhay ay mananatiling bahagi ng kulturang Piliino. Sa pagdiriwang ng mga kapistahan ipinakita ng mga Pilipino ang pagiging magiliw (hospitality) sa mga panauhin sa kani-kanilang tahanan na ikinaiiba natin bilang isang lahi. (Clemen Bautista)