MATAPOS ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao, inakusahan siya ni Communist Party of the Philippines founding chairman Joma Sison na “playing with fire.” Aniya, iyong mga sakim lamang sa kapangyarihan at luko-loko ang nagsasabing ang martial law ay lunas sa mga problema ng bansa. Wala raw sapat na batayan ang deklarasyon. Nagbanta siya na ang military rule ng Pangulo sa Mindanao ay makaaapekto sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Makaraan ang ilang araw, nag-isyu ng statement si Sison na kinokondena ng NDFP ang pagsalakay ng grupo ng Maute sa Marawi na ikinasawi ng marami at dahilan upang magsilikas ang libu-libong residente. Nakikiisa umano ang NDFP sa gobyerno sa paglaban sa mga grupong kaalyado ng Islamic State (IS) at suportado ng Central Intelligence Agency (CIA) tulad ng Maute at Abu Sayyaf. Sana, aniya, ang “terrorist act” ng Maute ay hindi maging hadlang sa ikalimang round ng pormal na pag-uusap ukol sa kapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng gobyerno na magsisimula sa Mayo 27 hanggang Hunyo 1 sa Netherlands.
Sinuspinde na nga ng gobyerno ang pag-uusap dahil daw sa opensibong ginagawa ng NPA. Paghahanda na ito ng gobyerno para tuluyang umatras sa pag-uusap. Kasi sa ikatlong yugto ng pormal na pag-uusap, iginigiit ng NDFP ang implementasyon ng napagkayarian na nilang kasunduan. Pairalin ang matagal nang nakabimbing implementasyon ng 1998 Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights at International Humanitariana Law.
Pero, paulit-ulit na nangangako ang gobyerno na palalayain at bibigyan ng amnestiya ang mga political prisoner na kinasuhan ng ordinaryong krimen bilang pagtutuwid sa paglabag sa karapatang pantao sa loob ng 50 taong digmaan.
Iniipit ang pagpapalaya sa mga political prisoner dahil inoobliga ng gobyerno ang NDFP para sa maagang paglagda sa kasunduan ukol sa interim joint ceasefire. Nilabag din ng gobyerno ang nalagdaan nang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), dahil hindi tinupad ang pagpapalaya sa matagal nang nakakulong na tatlong NDFP consultant at sa dalawang dinakip kamakailan.
Nitong nagdaang mga araw, binanatan ni Defense Secretary Lorenzana at ng iba pang opisyal ng AFP ang NPA sa mga pag-atake nito sa kanilang tropa sa PNP facilities at sa mga pribadong kumpanya na inakusahang nang-aabuso ng mga magsasaka at manggagawa. Nanawagan pa ang iba na itigil na... ang usapang pangkapayapaan. Hinikayat ni Lorenzana ang mga NPA na sumuko na at sumapi sa AFP. Pero, sabi ng NDFP, ang militar ay patuloy sa kanyang counter-insurgency program. Hindi raw ito para sa political solution ng bakbakan kundi para sa pagsuko ng mga rebolusyonaryong puwersa nang walang reporma para baguhin ang kasalukuyang kondisyon.
Nanawagan ang NDFP kay Pangulong Duterte na pangibabawin ang kanyang kapangyarihan sa militar upang malutas ang problema ng bansa para sa pangmatagalang kapayapaan. Pero, idineklara ng Pangulo ang martial law sa Mindanao at ayon kay Lorenzana, ang mga NPA ay kasama sa mga target nito. Kaya, ang martial law ay maniobra ng Pangulo para ibasura ang peace talks na kanyang sinimulan. (Ric Valmonte)