HINDI lamang sa pulitika kundi sa halos lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran talamak ang tinatawag na crab mentality; ito ang nakaririmarim na kaugaliang sumisira sa katauhan at pinaglalambitinan ang sinuman upang palabasing salot sa lipunan.
Natitiyak ko na lalong talamak ito sa pagnenegosyo. Ang mga negosyante – sa pamamagitan ng kani-kanilang mga mapangwasak na mga galamay na tinaguriang mga ‘attack dog’ – ay gumagawa ng lahat ng paraan upang pasamain o pabagsakin ang kanilang mga kakompetensiya sa hanapbuhay. Hindi nakaligtas sa paninira si Rod Ongpauco, ang may-ari ng mga Isdaan restaurants na ang isa sa mga sangay ay matatagpuan sa Gerona, Tarlac.
Sa pamamagitan ng isang mapanirang mensahe sa Facebook, isang Phoebe Cruz ang nagbintang na ang kanyang sasakyan na nakaparada sa naturang restaurant ay nawalan ng malaking halaga. Ang ganito bintang ay produkto ng mapaminsalang imahinasyon na walang intensiyon kundi wasakin ang maunlad na negosyo; hindi ito naireklamo sa pulisya, isang dahilan kung bakit binura kaagad sa Facebook ang nasabing mensahe.
Hindi ko kakilala si Rod. Kahit minsan ay hindi kami nagkita bagamat may mga pagkakataon na kami – kasama ang iba pang kapatid sa media – ay kumakain sa Isdaan restaurant sa naturang bayan; lalo na kung kami ay umaakyat sa Baguio City. Paborito ng aming grupo ang mga pagkaing katutubo na iniluto sa pamamagitan ng katutubong pamamaraan.
Magalang at magiliw ang pakikitungo ng mga waiter sa mga katulad naming mga customer. Maging ang mga security guards at iba pang tauhan ay maasikaso sa pangangalaga sa seguridad ng nasabing establisyemento bagamat hindi maiiwasan na talagang gumagala ang mga mapaminsala sa... alinmang negosyo.
Bigla kong naalala ang isang insidente hinggil sa iskandalo sa isa ring restaurant sa Escolta, Maynila maraming dekada na ang nakalilipas. Isang customer ang nanggagalaiting nagreklamo na ang ihinaing pagkain sa kanya ay may patay na ipis.
Ako, kasama ang iba pang City Hall reporters, ay hindi makapaniwala sa reklamo sapagkat ang nasabing kainan ay kilala at maunlad. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang nakadidismayang insidente ay kagagawan ng mismong naturang customer.
Ang anumang paninira na nangyari sa Isdaan at sa iba pang mauunlad na negosyo ay pagpapatunay sa isang kawikaan: Binabato ang punungkahoy na hitik sa bunga. (Celo Lagmay)