NGAYONG Martes, sa pagdiriwang ng ikaapat na anniversary ng Alisto kasama si Arnold Clavio, sisiyasatin ng programa ang mga aksidenteng madalas mangyari sa ilang lugar at bilang bahagi ng Serbisyong Totoo ay bibigyan nito ng solusyon ang mga problema para iwas-peligro.
Sa intersection ng 10th Avenue corner 8th Street sa Caloocan City, madalas ang aksidente ayon sa kapitan ng barangay.
Kabilang na sa mga ito ang salpukan ng SUV at taxi, banggaan ng motorsiklo at jeep, at mga sumemplang na motorsiklo.
Ganito rin ang problema sa Barangay Moonwalk, sa intersection ng E. Rodriguez corner Armstrong Avenue sa Parañaque City. Ang mga aksidente, pauli-ulit.
Sa pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH), natuklasan na kakulangan ng sapat na road signs ang isa sa mga dahilan ng mga askidente.
Kaya kasama ang lokal na pamahalaan at DPWH, isinagawa ng Alisto ang “Project Road Safety” sa ilang accident-prone area sa Metro Manila. Ang misyon, maglagay ng traffic at road signs sa naturang intersections para maiwasan na ang aksidente.
Samantala, simula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan, nakapagtala ang Quezon City Police District ng 10 crime-prone barangays. Nanguna rito ang Brgy. Socorro na nagtala ng mahigit 18 krimen, kabilang na ang pandurukot, shoplifting, at snatching. Mayroong 57 CCTV pero sira ang ilan sa mga ito.
Sa Barangay 696, Malate, Maynila naman, nag-viral ang pag-atake ng mga riding-in-tandem na nakuhanan ng CCTV camera.
Ayon sa awtoridad, ang ebidensiya na nairekord ng CCTV camera ang naging tulay para mahuli ang mga suspek. Sa ngayon, may 16 na CCTV camera ang Barangay 696 pero hindi na gumagana ang ilan sa mga ito.
Ang mga kulang at sirang CCTV camera ng mga barangay, inaksiyunan ng Alisto sa “Project CCTV”.
Huwag palampasin ang 4th anniversary special ng Alisto kasama si Arnold Clavio ngayong Martes, pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.