Nagkabutas-butas sa saksak ang katawan ng isang lalaki matapos umanong resbakan ng mga kainuman sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Naisugod pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay si Elmer Tangaye, 39, ng Gate 10, Parola Compound, Tondo.

Bigo namang maaresto ang mga suspek na sina Rodel Simoy, 22, at Joseph Osorio, 19, kapwa ng Gate 10, Parola Compound, sa Tondo.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 3:30 ng madaling araw nangyari ang pananaksak sa Gate 10, Parola Compound sa Tondo.

National

China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD

Una rito, kamakalawa ng gabi ay nag-inuman umano ang biktima at ang mga suspek, at si Danny Libot, 41, na bayaw ng biktima, sa lugar. Natapos ang inuman at nauna nang umuwi si Tangaye.

Ayon kay Libot, naiwan ang mga suspek sa lugar at narinig niya na bubugbugin ng mga ito ang biktima dahil sa umano sa pambabastos sa kinakasama ni Simoy.

Hindi na umano pinansin ni Libot ang pag-uusap ng mga suspek at nagdesisyong matulog na lamang.

Nagulat umano si Libot nang mabalitaang nakitang tumatakbo ang biktima sa Parola Compound at tuluyang binawian ng buhay. (Mary Ann Santiago)