“LASON sa Mindanao ang deklarasyon ng martial law ng Pangulo” ayon sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang humiwalay na grupo sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Pero, ayon sa BIFF, hindi ito problema sa kanila dahil mayroon din silang mga baril. Inatasan na rin ng Communist Party of the Philippines ang armado nilang grupo, ang New People’s Army (NPA), na paigtingin ang pakikibaka sa pamahalaan sa kabila ng nakabimbin nilang usapang pangkapayapaan dahil sa ginawang ito ng Pangulo. Bakit hindi aalma ang mga grupong ito, eh ayon kay Presidential Peace Process Adviser Jesus Duresa, sa kanyang pagdepensa sa martial law, ito ay hindi lang laban sa teroristang Maute group kundi maging sa lahat ng grupong lumalaban sa gobyerno.

Aani lang ng gulo ang martial law declaration ni Pangulong Digong. Hindi gaya ng mga sangkot sa droga, na walang kalaban-labang pinapatay sa giyera ng Pangulo laban sa illegal drugs, ang mga lumalaban sa gobyerno ay may armas at sanay sa bakbakan. Aatras nang napakalaki ang anumang ikinaunlad na ng bansa. Higit sa lahat, hindi militarization ang lunas sa gulong nagaganap sa Mindanao. Sinubok na ito ng mga pangulong nauna kay Pangulong Digong, ngunit hindi sila nagtagumpay. Ang karahasan ay nagbunga lang ng karanasan. Ang mga inosenteng sibilyan ang naipit sa animo’y nagbubungguang bato. Tumindi ang paglabag sa karapatang pantao. Sa nangyayari ngayon sa Marawi, may mga nasawi na sa panig ng mga sundalo at terorista. Nagmistula nang ghost town ang Marawi dahil nagsilikas na ang mga residente sa takot na sila ay mapahamak.

Hindi mo maipagmamalaki na matapang ka at sabihin mong kung maraming mamamatay sa paggamit mo ng dahas ay wala kang pakialam. Nasaan ang katuparan ng layunin mong mapangalagaan ang kapakanan ng taumbayan sa harap ng maraming namamatay sa paraang ginagawa mo?

Ang problema sa Mindanao ay kahirapan sa kabila ng yaman nito. Bakit hindi gawin ang ginawa ng mga nagdaang pangulo na binuhusan ng proyekto ang kanilang lugar na nagpaganda sa buhay ng kanilang mamamayan? Kung napabayaan ang Mindanao dahil hindi tagarito ang namuno ng bansa at nagpatakbo ng gobyerno, bakit hindi ito mapauunlad ngayong si Pangulong Duterte ay tagarito mismo? Bakit hindi rito pairalin nang lubusan ang tunay na reporma sa lupa upang maikalat ang biyaya nito?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang naging problema ni Pangulong Digong ay inubos niya ang isang taon ng kanyang termino sa paglipol sa mga sangkot sa ilegal na droga. Kung hinati niya ang bayan sa paraang ito, pinalawak niya ang pagkakahati nang ideklara niya ang martial law. (Ric Valmonte)