Department of Social Welfare and Development (DSWD-7) prepares 1

Umaapela si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa publiko na tulungan ang nagsisilikas na residente mula sa Marawi City kaugnay ng nagpapatuloy na kaguluhan sa siyudad.

Kasabay nito, nagpahayag din ng kumpiyansa ang Obispo na makababalik sa kanila nang ligtas si Father Chito Suganob at ang mga parishioner na nananatiling bihag ng Maute Group, makaraang tangayin nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Dela Peña, mahalaga na matugunan ang pangangailangan ng mga lumilikas na residente, partikular sa pagkain at inumin.

Mga Pagdiriwang

Malacañang, idineklarang regular holiday ang Abril 1

“Sa kasalukuyang nangyayari sa Marawi, nais ko po iparating sa inyo na karamihan, marami sa ating mga kapatid sa Marawi ay lumilikas na at ang kanilang direksiyon ay towards Iligan,” sinabi ng obispo nang kapanayamin sa Radyo Veritas.

“Malaking problema ang pagtugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan; kailangan nila ng pagkain, tubig at iba pa. Kaya itong pagkakataon na ito, ako ay nananawagan sa lahat na tulungan natin… first na tulong natin ‘yung pagdarasal para sa ikabubuti ng ating mga kapatid, mga nagsilikas at mga nasa Marawi pa sa ngayon. Ikalawa, ‘yung ating pagtulong sa kanilang mga pangangailangan, pangunahing pangangailangan. At pangatlo, tayo ay magsusubaybay at makialam tayo sa mga pangyayari sa Mindanao,” sabi pa ni Dela Peña.

Sinabi din ng Obispo na plano niyang magtungo sa Iligan at makipag-ugnayan sa Diocese ng siyudad upang makapagsagawa ng relief operations katuwang ang iba’t ibang institusyon ng Simbahang Katoliko.

Kaugnay nito, sinabi ni Dela Peña na hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na makakabalik sa kanila nang ligtas ang mga hostage ng Maute Group.

Aniya, humingi na sila ng tulong mula sa intermediaries, na maaaring kumumbinse sa mga lider ng Maute para palayain na ang grupo ni Suganob, na tinangay ng mga terorista mula sa St. Mary’s Cathedral nitong Martes ng gabi.

(MARY ANN SANTIAGO)