Iginiit ni Sen. Francis Escudero noong Sabado, Hunyo 6, 2026, na ang kaniyang hindi inaasahang pagdalo sa plenary session ng Senado ay alinsunod sa itinatadhana ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa alinmang kapulungan ng Kongreso na manatiling naka-adjourn nang mahigit tatlong araw nang walang pahintulot ng kabilang kapulungan.
Sa isang bahagi ng kaniyang podcast na inere nitong Linggo, Hunyo 7, binanggit ni Escudero ang Article VI, Section 16(5) ng 1987 Constitution, na nagsasaad na hindi maaaring mag-adjourn ang Senado o ang House of Representatives nang lampas sa tatlong araw habang may sesyon ng lehislatura nang walang pagsang-ayon ng kabilang kapulungan.
“Nagpasya ako na itigil na yung kawalan ng sesyon sa Senado dahil nakasaad din sa Saligang Batas na hindi pwedeng mag-adjourn ang Senado nang sosobra sa tatlong araw nang hindi nagpapaalam sa kabilang Kamara,” ani Escudero.
Ayon sa senador, malalabag ng Senado ang Konstitusyon kung hindi ito magsasagawa ng sesyon sa ikatlong araw.
“Kung hindi pa kami nagsesyon, lalabagin na namin yung probisyon na yun ng Saligang Batas,” dagdag niya.
Ang pagdalo ni Escudero sa plenaryo ay nagtapos sa dalawang araw na hindi pagkakaunawaan na nagsimula matapos ang boycott ng grupong pinamunuan noon ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Dahil sa kaniyang presensya, nabuo ang kinakailangang quorum matapos makuha ang ika-12 boto, na nagbigay-daan upang maipagpatuloy ng mga dumalong senador ang mga gawain ng kapulungan at maisagawa ang reorganisasyon ng liderato nito.
Sa naturang sesyon, nahalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kalaunan ay bilang acting Senate President, na lalo pang nagpalalim sa usapin ng liderato sa mataas na kapulungan.
Nilinaw naman ni Escudero na ang kaniyang naging hakbang ay hindi upang pumanig sa anumang paksyon pampulitika kundi upang matiyak na magpapatuloy ang Senado sa pagtupad sa mga tungkuling itinakda ng Konstitusyon.
Nauna nang inilarawan ng senador ang matagal na pagkakabalam ng mga gawain sa lehislatura bilang “untenable and unacceptable,” at iginiit na dapat manaig ang tungkulin ng institusyon sa publiko kaysa sa mga hidwaang pampulitika.