Inilaglag umano ng kanyang asset ang isang pulis na binaril at pinatay ng inarestong drug pusher sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Dead on the spot si PO3 Noel Cabanglan, 36, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Valenzuela Police Station, dahil sa mga tama ng bala ng cal. 9mm pistol sa katawan.
Ipinag-utos ni Police Sr. Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, ang hot pursuit operation laban sa suspek na kinilalang si Jaylord Mahinay, nasa hustong gulang, ng Bernardino Street, Barangay Ugong, Valenzuela City.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Ronald Bautista, ng Detective Management Unit (DMU), bandang 5:55 ng hapon ay sakay sa motorsiklo si Cabanglan at binabaybay ang panulukan ng A. Bernardino at Que Grande St., Bgy. Ugong.
Nag-text umano ang asset ni Cabanglan, na kinilala sa alyas na Angelica Nguso, at sinabing namataan sa lugar si Mahinay.
Dahil dito, upang maaresto ang suspek, agad nagtungo si Cabanglan sa A. Bernardino St.
Habang pinoposasan ni Cabanglan si Mahinay, nakakuha ng pagkakataon ang suspek na bumunot ng baril at pinaputukan ang una.
Tumakas ang suspek na bitbit ang posas na ikinabit sa kanya ng biktima.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, kitang-kitang tumakbo palayo sa pinangyarihan si Angelica Nguso. (ORLY L. BARCALA)