INUMPISAHAN nang totohanin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang nasa isipan at ibinubukambibig mula nang manungkulan siya, ang martial law. Inilagay niya ang buong Mindanao sa ilalim ng batas militar. Isinama niya sa proklamasyon ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus. Kung ang dahilan ni dating Pangulong Marcos sa pagdeklara ng martial law ay sagipin ang bansa sa kamay ng komunista, ang batayan naman ni Pangulong Digong ay proteksiyunan ang rehiyon laban sa ISIS. Sa kanyang talumpati, pagdating mula sa Russia, sinabi niya na walang dapat ipangamba ang mga law abiding citizen kahit sinabi niya na, sa pagpapairal niya ng martial law, siya ay magiging marahas tulad noong panahon ni Marcos.

Bakit hindi mangangamba ang taumbayan, eh sinabi rin niya na maaaring sakupin ng martial law ang Luzon at Visayas sa layuning habulin at lupigin ang mga terorista. Eh, nilatag na ang batayan na naririto na ang mga ito sa Maynila. May natagpuan noon na improvised explosive device (IED) sa harap ng U.S. Embassy na umano’y katulad ng mga sumabog sa Mindanao. Ganito rin ang klase ng dalawang IED na sumabog sa Quiapo. Nang salakayin ng mga pulis ang isang bahay sa Quiapo, na kinaroroonan ng mga Muslim, may nakita raw silang IED at bandera ng ISIS. Ang nakababahala ay may mga pagsabog pang mangyayari sa mataong lugar na kikitil ng mga inosente. Kunan natin ng aral ang kasaysayan. Bago ideklara ni Marcos ang martial kaw, sunud-sunod na bomba ang sumabog sa matataong lugar sa Maynila na ikinasawi ng mga inosenteng sibilyan. Ayon kay Marcos, kagagawan ito ng mga komunista.

Sa Marawi lang pumasok at gumawa ng gulo ang mga terorista, pero buong Mindanao ang isinailalim sa martial law para masawata ang kaguluhan. Napakinggan natin ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines at pinahihinahon niya ang taumbayan dahil kontrolado raw nila ang sitwasyon. Limampu umano ang nanggugulo at hindi sila mga banyaga o ISIS.

Ang napakahirap itindihin ay bakit nangyayari ito sa Mindanao, eh tagarito ang Pangulo at ipinagmamalaki niya na may dugo pa siyang Muslim? Ang malaking bahagi ng rating ng Pangulo, na nagpapakitang kuntento ang mamamayan sa kanyang pamamahala, ay nagmula sa kanyang kababayan. Bakit... nagagawa pa nilang guluhin siya gayung, sa napakatagal na panahon, ngayon lang nagkaroon ng Pangulo mula sa kanilang lugar?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kung tutuusin, higit na grabe ang nangyari sa Zamboanga nang kubkubin ito ng grupo ni Misuari. Nagwagayway din sila ng kanilang bandera. Hindi itinuring ito ng gobyerno na rebelyon. Kung hindi ito rebelyon, lalong hindi rebelyon ang nangyari sa Marawi. Kahit sabihin ng Pangulo na binilinan niya ang magpapatupad ng martial law na huwag umabuso, mahirap paniwalaan na hindi ito mangyayari. Tingnan ninyo ang kanyang war on drugs. (Ric Valmonte)