MAINE AT ALDEN copy

TATLONG gabi nang kilig to the bones ang AlDub Nation dahil solong-solo na nina Benjie (Alden Richards) at Sinag (Maine Mendoza) ang isa’t isa sa Destined To Be Yours.

Kaya lang, nagkakaisa ang followers na hindi raw sina Benjie at Sinag ang nakikita nila kundi ang kanilang mga idolong sina Alden at Maine mismo. Ito’y nang muling ma-realize nina Benjie at Sinag na mahal talaga nila ang isa’t isa. Nang sabihin ni Benjie ang “mahal kita Sinag,” sinagot siya nito ng “Mahal rin kita, Benjie, simula pa noon hanggang sa ngayon.”

Nang itakwil si Benjie ng kanyang Lolo Vicente Rosales (Tommy Abuel), wala siyang napuntahan maliban kay Sinag. Pero tutol na tutol ang magulang ng dalaga kay Benjie dahil isa itong Rosales, ang angkan na sumira sa kanilang kinabukasan nang angkinin ang kanilang lupa at bahay sa Pelangi.

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Nakalimutan nina Teddy at Sally na si Benjie ang dahilan kung bakit nabuhay ang bunso nilang si Tala at natupad ang pangarap ni Teddy na maitanghal sa exhibit ng kanyang sculptures.

Nagtanan si Sinag at sinamahan niya si Benjie kahit isang araw lamang bago sila bumalik sa kani-kanilang pamilya.

Pinuntahan nila ang mga lugar na naging bahagi ng kanilang nakaraan, ipinaranas ni Benjie ang mga bagay na hindi nagagawa ni Sinag tulad ng pagsakay sa yate at nilibot nila ang Manila Bay.

Sa huling gabi ng kanilang pagsasama, ipinaranas din ni Benjie ang isang formal dinner, pagsayaw sa saliw ng string instruments, at pagpapahayag muli ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Inamin ni Sinag na noon lamang niya ginawa ang lahat ng iyon na hindi alam ng mga magulang, pero masayang-masaya siya.

Bago bumalik ng Maynila, niyaya ni Benjie na bumalik sila ni Sinag sa Pelangi kung saan nagsimula ang kanilang pag-iibigan at doon, nag-propose na ng kasal si Benjie kay Sinag na agad naman nitong tinanggap. Pero gusto raw nilang gawin iyon sa tamang paraan, kaya pagbalik ng Maynila, muling tinanggap ni Lolo Vicente si Benjie at si Sinag naman ay humingi ng kapatawaran sa mga magulang. Nagtapat na si Benjie sa Lolo Vicente niya na niyaya na niyang magpakasal si Sinag at walang makapipigil sa kanyang desisyon. Ganoon din naman si Sinag, mahal niya si Benjie at tutuparin niya ang pangakong magpapakasal kahit pa tumanggi ang mga magulang. Ikinulong siya ni Teddy sa kanyang kuwarto at hindi raw makalalabas doon hanggang hindi nagbabago ng desisyon.

Parehong desididong gawin ang gusto nila, pinuntahan ni Benjie si Sinag na tulad niya ay hindi rin papayag na magkahiwalay pa sila, kaya muling tumakas sa mga magulang at sakay ng kotse ni Benjie, hinabol sila nina Teddy at Badong at nina Amanda, Trish at Catalina. Magka-holding hands pang nangako si Benjie kay Sinag na hindi sila magkakahiwalay, maaayos din ang lahat, nang biglang may humarang sa kanilang sasakyan, si Benjie, itinakip niya ang katawan niya kay Sinag, kaya siya ang nagtamo ng malaking pinsala.

Magkakahiwalay na nga kayang tuluyan sina Benjie at Sinag? Nakaligtas si Sinag at dadalhin naman si Benjie ni Lolo Vicente sa Amerika para doon ipagamot. Mahabol pa kakaya ni Sinag si Benjie?

Finale na ng Destined To Be Yours bukas, May 26, pagkatapos ng Mulawin vs Ravena. At ano kaya ang mangyayari kina Benjie at Sinag, may happy ending kaya ang kanilang pag-iibigan? (NORA CALDERON)