DALAWANG makapangyarihang bansa ang kinakaibigan ngayon ni President Rodrigo Roa Duterte— ang China at ang Russia.

Kumbaga sa ligawan, ang dalawa ang bagong manunuyo ng Pilipinas. Kinakagalit naman niya ang US, United Nations, at European Union (EU) dahil nasaktan at hindi niya nagustuhan ang mga komento at ang umano’y “pakikialam” sa kanyang kampanya laban sa illegal drugs.

Wala namang tutol ang mga Pinoy na kaibiganin ang mga bansa nina Pres. Xi Jinping at Pres. Vladimir Putin, pero nagtataka lang kung bakit ayaw niya sa US dahil lang sa personal na galit kay ex-Pres. Barack Obama. Buti na lang at medyo kumambiyo siya ngayong ang pangulo ng US ay si Donald Trump, na kahawig niya sa estilo ng governance, brusko, nilalabanan ang media, galit sa mga Muslim (terorista) at sa pagsusulong ng America First.

Galit din si Mano Digong kina ex-UN Sec. General Ban Ki-Moon at sa EU dahil sa paalala ng mga ito sa isinusulong na drug war at maiwasan ang extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs). Kapuna-puna na basta may dayuhan o lokal man na nagpasaring sa kanyang giyera sa illegal drugs, agad siyang nagagalit at mumurahin ang mga ito.

Batay sa surveys ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, higit na nagtitiwala pa rin ang mga Pilipino sa US.

Mababa ang pagtitiwala nila sa China at Russia. Gayunman, hindi naman tutol ang mga Pinoy sa independent foreign policy ni PDu30. Ang ipinagtataka lang nila ay ang paglayo sa US na laging unang-una sa pagtulong kapag may kalamidad, bagyo, baha, sunog at iba pa sa Pilipinas. Sundin mo ang pulso ng mga Pilipino, Mr. President.

Hindi sang-ayon ang taumbayan at mga senador sa pagtanggi ng Duterte administration sa tulong at grants ng EU na ang malaking bulto ay gagamitin sa Muslim Mindanao. Sayang daw ito. Bakit daw aayawan ang tulong, eh makabubuti ito para sa mga Muslim sa Mindanao at maging sa mga biktima ng bagong Yolanda sa Samar at Leyte. Pero, ang katwiran ni Pres. Rody ay meron daw “strings attached” ang EU na kaakibat ng mga ayuda. Ano ba ang mga iyon? Pakilahad nga.

Dito sumusulpot ang mga katanungan kung wala ring “strings attached” ang mga pangakong “aids and loans” ng dambuhalang China sa maliit na Pilipinas? Sa palagay kaya ni PRRD ay basta magbibigay ng tulong at pautang ang China nang walang kapalit? Nais malaman ng mga mamamayan at maging ng ilang senador ang mga detaye tungkol sa pangakong aids at loans ni Pres. Xi sa ‘Pinas.

Maging si Sen. Richard Gordon na alyado ni PRRD ay humihiling sa Duterte admin na ilahad ang mga detalye at katotohanan sa tulong (aids) at pautang (loans) mula sa kinakaibigang China. Ang tinutukoy ni Gordon (na minsan ay inuto ni PDu30 at tinawag pang Mr. President) ay ang $1 billion para sa official development assistance at ang $500 million loans para sa military equipment.

Kontra rin si Gordon sa joint exploration ng ‘Pinas at ng China sa resource-rich Benham Rise dahil baka raw magkaroon ng ideya ang China na kanila rin ito. Samantala, hinihiling ni Sen. Kiko Pangilinan sa kapwa mga senador na suportahan ang resolusyon ni Sen. Bam Aquino (HR 158) na nananawagan sa Senate committees on foreign relations at economic affairs na magsagawa ng pagdinig sa foreign policy ng PDu30 administration.

Baka nga naman ibinebenta na ng Pangulo ang mga teritoryo natin sa West Philippine Sea dahil hindi natin kayang makipaggiyera sa dambulang China? Kaya natin ito. Ang kailangan ng mga Pilipino ay isang tunay na lider na mangunguna sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa, tulad ng ginawa natin noong panahon ng Kastila, US-Phil War, Japanese occupation at ngayong binu-bully tayo ng China. Sa pangunguna ni Pres. Rody, handa ang mga Pinoy na ipagtanggol ang bansa. (Bert de Guzman)