DAPAT lamang asahan ang walang pag-aatubiling pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng martial law sa Mindanao.

Natitiyak ko na nasagad na ang pagngangalit niya sa walang pakundangang paghahasik ng sindak at karahasan ng mga rebelde, lalo na ng Maute Group, na kahapon lamang ay lumusob sa Marawi City.

Isipin na lamang na sa kasagsagan ng state visit ng Pangulo sa Russia, idineklara niya ang batas militar kaugnay nga ng sinasabing rebelyon sa naturang lugar. Umuwi siya kaagad. Dahil dito, hindi malayo na lalong paigtingin ng administrasyon ang paglipol sa mga criminal elements na matinding balakid sa pagtatamo natin ng tunay na kapayapaan.

Magugunita na sa pagkakahirang kamakalawa kay Brig. Gen. Danilo Lim bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lalong umugong ang mga pangamba hinggil sa paglawak ng militarisasyon sa Duterte administration.

Ang naturang mga pangamba ay maaaring bunsod ng sunud-sunod na paghirang ni Pangulong Duterte sa matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Kamakailan lamang ay itinalaga ng Pangulo sina dating AFP Chief of Staff Gen. Roy Cimatu bilang Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Gen. Eduardo Año bilang Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) bagamat kasalukuyan pa siyang nanunungkulan bilang AFP Chief of Staff. Nauna na ring itinalaga si dating AFP Chief of Staff Ricardo Visaya bilang hepe ng National Irrigation Administration (NIA).

Gayundin sina dating AFP Chief of Staff Hermohenes Esperon bilang National Security Adviser; Retired Major General Delfin Lorenzana bilang Secretary ng Department of National Defense (DND); Retired Major General Alexander Balutan bilang PCSO General Manager; Marine Captain Nicanor Faeldon bilang Bureau of Customs Commissioner, at marami pang iba.

Natitiyak ko na ang pag-alma ng nasabing mga grupo sa paghirang ng ex-military men sa Duterte cabinet ay nakaangkla sa sinasabing pagbuo ng Pangulo ng military junta.

Iminamatuwid naman ng ibang grupo ng sambayanan, lalo na ng umano’y mga makabayan, na ang mga retiradong opisyal ng militar ay mistulang nagdadala ng mga kalansay sa Gabinete dahil sa kanilang hindi nalulugar na paglabag sa mga karapatang pantao.

Ang naturang mga pangamba at pagtutol ay taliwas sa aking paninindigan. Matindi ang aking paniniwala sa disiplinang militar sa matinong pagmamahal sa gobyerno, lalo na ngayon na tayo ay ginigiyagis na kaliwa’t kanang karahasan at mga katiwalian, bukod pa rito ang kasumpa-sumpang illegal drugs na kailangang mapuksa. (Celo Lagmay)