Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na nag-abiso si Pangulong Rodrigo Duterte na naglaan ito ng P2 milyon reward sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng pito pang pulis na sangkot sa pagdukot sa isang negosyante sa Quezon City.
Ayon kay PNP- Counter-Intelligence Task Force chief Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, nagpadala sa kanya ng mensahe si PNP chief Director General Ronald dela Rosa at sinabing naglaan ng P2 milyon ang Pangulo para sa makapagtuturo sa mga wanted na pulis.
Kinilala ang pitong pulis, na umano’y kasabwat ng apat na nadakip, na sina SPO2 Gerry Dela Torre, PO3 Michael Angelo Diaz Solomon, PO3 Luis Tayo Hizon, Jr., PO2 Michael Papa Huerto, PO1 Jovito Roque, Jr., PO1 Ricky Alix Lamcen, at PO3 Bernardino Pacoma.
Una nang naaresto kahapon ang apat na suspek mula sa Malabon City Police na sina SPO2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo, at PO1 Frances Camua.
Sinibak na rin sa puwesto at kinasuhan sa Department of Justice (DoJ) ang apat. (Beth Camia)