Inihayag sa publiko ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na hindi raw nila pakakawalan ang 14 anyos na si Nash, isa sa mga suspek na menor de edad sa school shooting incident sa Tacloban City, hanggang hindi nila nakikitang nagbago na ang bata.
Matatandaang ginulantang ang publiko ng naging pamamaril nina Nast at 15-anyos na si Rod sa loob ng kanilang paaralan sa San Jose National High School noong Lunes, Hunyo 22, 2026, dahilan para masawi ang tatlo nilang mga kamag-aaral.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag naman ni Gatchalian sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Biyernes, Hunyo 26, pinaliwanag niyang posible raw magkaroon ng criminal liability ang mga batang may edad 15 at isang araw pataas kung mapapatunayang nalalaman nila ang tama at mali o ginagawa nila bilang bata.
Aniya, may mga kaso naman daw na nasususpinde ang sentensya ng criminal liability ng bata ngunit babalik daw ang mga ito sa rehabilitation center ng DSWD upang sumailalim sa intervention at assessment,
Giit ni Gatchalian, posible pa rin daw makulong ang mga bata sa regular na kulungan kung mapapatunayang hindi pa rin nagkaroon ng epekto ang intervention ng DSWD sa loob ng rehabilitation center.
“May ganiyan tayong mga cases na i-deep in muna sa amin, ni-rehabilitate, hindi na-rehabilitate, ikinulong pa rin sa regular na kulungan pagdating niya ng 18,” paglilinaw ni Gatchalian.
Ani Gatchalian, akala raw kasi ng maraming tao na walang maipapataw na criminal liability sa mga batang may edad 15 pababa ngunit hindi raw iyon totoo.
“‘Yong isa naman, ‘yong 14 years old [si Nash], ang mangyayari sa kaniya, akala kasi ng maraming tao dahil walang criminal liability ‘yong below 15 years old ay normal ‘yong buhay niya. Hindi ganoon ‘yun,” ‘ika niya.
Diin ni Gatchalian, hindi raw nila pakakawalan si Nash hanggang hindi nila makikitang nagbago na ang bata ngunit mananatili raw ang huli sa kanilang Bahay Pag-asa kung bigo nilang makita ang magiging pagbabago ng bata sa ilalim ng kalinga nila.
“Nasa amin din siya. Ire-rehabilitate siya, hindi namin siya papakawalan hanggang sa nakita namin na nagbago siya. Kapag hindi, nasa amin siya, naka-detain siya sa isang Bahay Pag-asa or sa isang center namin na para sa kabataan in conflict with the law,” aniya.
Pagpapatuloy ni Gatchalian, depende na raw sa Korte, mga social worker, o child psychologist kung magtatagal pa si Nash sa loob ng Bahay Pag-asa.
“Depende sa Korte at depende na rin sa finding ng mga social worker natin pati na rin ng mga child psychologist natin,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, nasa ilalim ng kustodiya ng DSWD ang 14 anyos na suspek na si Nash habang nahaharap naman sa mga kasong tatlong counts of murder, frustrated murder, at serious physical injury ang 15-anyos na si Rod.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Tacloban shooting incident sa Hulyo 1
KAUGNAY NA BALITA: ‘Mananagot din sila!’ Sen. Risa, nadismaya sa pagtanggi ng GoreBox developer