Malaki ang posibilidad na tatagal pa ang pila sa Metro Rail Transit (MRT)-3 dahil hindi pa magagamit ang 48 Dalian coach, at dalawa pa lamang sa mga ito ang nagagawa.
Sa pagdinig kahapon ng Senate committee on public services, inamin ni Department of Transportation (DOTr) Usec. for Rail Sector Ceasar Chavez na malabong magamit pa ang 48 Dalian coach hanggang sa susunod na taon.
Ang mga nasabing bagon ay binili ng nakaraang administrasyon at bahagi ng P3.8-bilyon kontrata, pero hind pa rin magamit dahil hindi angkop ang mga ito sa riles ng MRT kaya kinakailangan ng total replacement ng signaling system.
Inihayag din ni Chavez ang mga paglabag sa kontrata ng mga dating opisyal ng DOTr at MRT-3 sa pagbili ng 48 na bagon na hindi ngayon mapakinabangan.
Batay sa pagsusuri ng DOTr, sa tulong ng mga eksperto, dapat na aniyang i-terminate ang maintenance provider ng MRT-3 dahil sa halos araw-araw na aberya ng MRT na nakapeperhuwisyo sa libu-libong pasahero.
Aniya, plano ni DOTr Secretary Arthur Tugade na lumiham sa Commission on Audit (COA) para suriin ang mga nakaraang bidding at mapanagot ang mga nagkasala sa kapalpakan ng mga nakaraang bidding.
Sinabi pa ng opisyal na pinag-aaralan din nila kung gagawing pribado na lamang ang maintenance ng MRT-3 upang tuluyan nang mawala ang kontrata ng Busan Universal Rail Incorporated (BURI), ang kasalukuyang maintenance provider nito.
Aniya, mas mainam na isailalim ang MRT-3 sa pamamahala ng Light Rail Transit Authority (LRTA.
Nabunyag din sa pagdinig na umaabot sa 5% ang tinanggap umano ng mga dating opisyal ng noon ay Department of Transportation and Communication (DoTC).
Ayon kay dating MRT-3 General Manager Al Vitangcol, nakikialam ang isang Marlo Dela Cruz sa kontrata sa MRT-3, na nagpakilalang miyembro ng Liberal Party sa Ilocos.
Sa kabila ng pag-amin ni Vitangcol hindi naman niya mapangalanan kung sino ang mataas na opisyal na tinutukoy ni Dela Cruz na nasa likod nito. (Leonel M. Abasola)