PINAKAMAHALAGA na marahil para sa mga mamumuhunan at sinumang may pagpapahalaga sa paglago ng ekonomiya ang mga salitang katatagan at pamamalagi.
Hinahanap ng mga mamumuhunan ang mga pamilihan na maaasahan ang kapaligiran sa negosyo at kalakalan. Ayaw nila ng kaguluhan sa pulitika, kabuhayan at lipunan, gaya ng digmaan at mga pag-aalsa laban sa pamahalaan, na humahadlang sa malayang pagnenegosyo.
Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ako na patuloy ang paglago ng ekonomiya sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Positibo ang pananaw ng pribadong sektor sa kanyang pagtutok sa kapayapaan at kaayusan at sa seguridad.
Isa pang mahalagang indikasyon ng katatagan ay ang pamamalagi ng mga polisiyang pangkabuhayan at negosyo. Ayaw ng mga negosyante ang pabago-bagong polisiya at ang biglang pagpapalit ng mga namamahala sa ekonomiya.
Kaya ikinagalak ko ang pasya ng Pangulo na hirangin si Nestor Espenilla, Jr. bilang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kapalit ni Amando Tetangco, na bababa sa kanyang puwesto sa Hulyo pagkatapos magsilbi ng dalawang tig-aanim na taong termino.
Ang desisyong ito ng Pangulo ay katiyakan ng katatagan at pamamalagi hindi lamang sa pagganap ng BSP kundi sa kabuuang polisiya sa pananalapi at ekonomiya.
Maging si Ginoong Tetangco ay pinuri ang desisyon ng Pangulo. Ayon sa kanya, mataas ang paggalang kay Espenilla ng mga bangkero at maging ng ibang bangko sentral sa ibang bansa.
Pinatatag din ng desisyon ng Pangulo ang katayuan ng Pilipinas bilang pinakamabilis na umunlad na ekonomiya sa Asya. Ang karanasan ni Ginoong Espenilla, kasama ang mga economic managers, ay makatutulong sa patuloy na paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Binabati ko si Governor Tetangco sa maganda niyang pagganap sa loob ng 12 taon. Pitong ulit siyang itinanghal ng Global Finance magazine na isa sa nangungunang pinuno ng bangko sentral sa buong daigdig.
Inaasahan ko naman na ipagpapatuloy ni Governor Espenilla ang sinimulan ng kanyang pinalitan at ang pananatili ng katatagan ng kapaligiran sa pagnenegosyo upang makamit ang hangad ni Pangulong Duterte na maibigay sa mga mamamayan ang kaunlarang nararapat sa kanila.
Bahagi na siya ngayon ng economic management team na kinabibilangan nina Finance Secretary Carlos... Dominguez, Budget Secretary Benjamin Diokno, at NEDA Secretary Ernesto Pernia. Kumpleto na ngayon ang mga namamahala sa ekonomiya na tutulong sa Pangulo sa pagpapatupad ng “Dutertenomics,” ang kanyang plano para sa maunlad at payapang Pilipinas.
Sang-ayon ako sa sinabi kamakailan ni Secretary Dominguez, na nasa atin na ang lahat ng magagandang katangian, at panahon na para umarangkada ang ekonomiya ng Pilipinas.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)