Tutukan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbibigay sa publiko ng sapat na kaalaman tungkol sa mga probisyon ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA), makaraang suspendihin kahapon ng mga mambabatas ang implementasyon nito.
Kinumpirma kahapon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Spokesperson Atty. Aileen Lizada na pansamantalang ipatitigil ng mga law enforcement agency ng DOTr ang pagpapatupad ng RA 10913 matapos makipagpulong ang mga transport official sa mga miyembro ng House Committee on Transportation kahapon.
“We will abide with the authors of the law, and the Committee of Transportation, DOTr will focus more on info dissemination and will hold the enforcement of ADDA,” saad sa pahayag ni Lizada sa mga mamamahayag.
Aniya, tinatalakay na ng mga kinauukulang opisyal kung kailan muling ipatutupad ang ADDA.
Isinagawa ang pulong kasunod ng pagrereklamo ng publiko laban sa anila’y nakalilitong batas na sinimulang ipatupad nitong Mayo 18.
Una nang umapela ang ilang senador na suspendihin muna ang implementasyon ng ADDA upang mapag-aralan ang mga “confusing” na probisyon nito.
Una nang sinabi ng mga transport official na simula sa Sabado, Mayo 27, ay aktuwal na nilang huhulihin ang mga motorista na mahuhuling gumagamit ng cell phone o iba pang mobile electronic device habang nagmamaneho, o ang gadget at iba pang gamit sa dashboard ay nakasasagabal sa paningin ng nagmamaneho.
Sinabi naman ni Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante na walang kapangyarihan ang ahensiya upang suspendihin ang pagpapatupad ng ADDA, dahil gaya ng DOTr, inatasan lamang silang ipatupad ito.
“LTO is only one of the agencies mandated by the law and it has no authority not to abide by it asks,” sinabi ni Galvante nang kapanayamin sa radyo kahapon.
Binigyang-diin din ni Galvante na hindi layunin ng batas na hulihin ang mga lumalabag dito kundi ang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng motorista at pasahero na maaaring malagay sa alanganin kung distracted ang nagmamaneho.
(VANNE ELAINE TERRAZOLA at MARY ANN SANTIAGO)