SA lahat ng Executive Order (EO) ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ang nilagdaan niyang EO No. 26 ang talagang kapuri-puri, makatwiran, at napapanahon. Ito ay makabubuti sa kalusugan ng mahigit 100 milyong Pilipino na biktima ng second hand-smoke ng walang galang na smokers na buga nang buga ng usok sa paninigarilyo. Ang kautusan ay nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Magkakabisa ito 60 araw matapos malathala sa isang pahayagang pambansa.
Hindi lang sa kalusugan ko at ng aking pamilya makabubuti ang EO No. 26 kundi sa lahat ng walang kasalanang non-smoker na nagtitiis sa usok ng walang pakundangang manininigarilyo sa kapwa-tao. Kung ninanais ni Mano Digong na masugpo ang illegal drugs sa buong Pilipinas at itumba ang mga tulak at adik, tiyak na makabubuti rin ang EO No. 26 kung maipatutupad nang husto at hindi gagawing kotongan ng mga tiwaling alagad ng batas upang mailigtas ang mga kabataang lalaki at babae na minamahal ng Pangulo.
Nagulat ang mga Pilipino sa pahayag ng Duterte administration na tatanggihan ang bagong tulong o grants ng European Union (EU) na nagkakahalaga ng 250 million euro o P278.8 milyon o katumbas ng mahigit sa P13 bilyon. Ito ay pondo para sa development projects ng bansa, partikular sa Muslim Mindanao. Ang pahayag ng pagtanggi ay ginawa matapos tumanggap ng $1 bilyong pangako ang Pangulo para sa official development aid mula sa kinakaibigang China ni Xi Jinping.
Dumalo si PRRD sa Belt and Road Summit sa Beijing na pinangunahan ng kanyang bagong kaibigan na si Pres. Xi. Kung hindi pa ninyo batid, ang EU ang “larget export market” ng Pilipinas. Malakas at malusog ang pakikipagkalakalan natin sa EU na binubuo ng maraming bansa sa Yuropa (Europe).
Mismong si NEDA Sec. Ernesto Pernia, isa sa economic manager ni PDu30, ay nagulat sa desisyong tanggihan ang EU new grants o development aid. Ayon kay Pernia, sana ay reaksiyon lang ito ng “very sensitive President” sa mga kritisismo sa kanya. Umaasa siya na magbabago ng isip ang Pangulo.
Pinawalang-sala si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino kaugnay ng pagkakadawit niya sa illegal drugs. Sinalakay ng magkasanib na PNP-PDEA ang bahay sa Felix Huertas noong Enero 21, 2016.
Nakasamsam sila ng 76,97.7 grams o P380 milyong halaga ng shabu. Natagpuan ng PNP-PDEA sina Marcelino at You Yi Shou sa naturang lugar.
Nagdududa ang publiko sa pagpapawalang-sala kay Marcelino sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2012. Tiyak daw na idadawit niya si Sen. Leila de Lima, matinding kritiko ni Pres. Rody. Tandaan, ibang magalit ang Pangulo. ‘Di ba sabi niya noon kay Delilah, este De Lima: “Sisiguruhin kong mabubulok ka sa bilangguan.” (Bert de Guzman)