Nalagutan ng hininga ang isang pedicab driver nang mabuwal at mabagok dahil sa kalasingan sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Matinding pinsala sa ulo ang ikinasawi ni Ramil Cahayagan, 48, ng 904 Oroquieta Street, Sta. Cruz.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), dakong 12:10 ng madaling araw nangyari ang aksidente sa 1080 Sulu St., kanto ng Fugoso St., Sta. Cruz.
Sa salaysay ng live-in partner ng biktima na si Nelia Pinca, 55, dakong 11:00 ng gabi ay katatapos lamang nilang uminom ng biktima nang magdesisyon silang maghiwalay dahil ayaw pa umuwi ni Cahayagan.
Sa hindi pa batid na dahilan ay nagtungo umano ang biktima sa pinangyarihan at humingi ng tubig kay Enrico Lugtu, 42, at sa kanyang mga kasama.
Gayunman, habang hawak ang baso ng tubig ay bigla na lang umanong nabuwal ang biktima at tumama ang ulo sa nakaparadang Mitsubishi van (UME-486) hanggang sa bumulagta. (Mary Ann Santiago)