PALAGAY na ang loob ni Jennylyn Mercado na may pinag-iiwanan na siya sa anak na si Jazz kapag umaalis siya ng bahay tuwing magtatrabaho.
Simula nang pumanaw si Mommy Lydia, her adoptive mom, naging problema na ni Jen na sa mga kasambahay at yaya lang niya naiiwanan ang kanyang unico hijo. Kaya nagdesisyon siyang puntahan na sa Korea ang ama na tumutugtog at nakatira roon.
“Kaya ‘laking pasasalamat ko nang pumayag si Papa Noli na umuwi na rito sa Pilipinas,” kuwento ni Jen sa presscon ng My Love From The Star. “Ngayon hindi na ako masyadong nag-aalala kapag umaalis ako. Alam kong hindi pababayaan ni Papa Noli ang apo niya.
“At ang saya-saya rin ng bahay namin dahil maririnig ninyo ang tugtog niya ng piano, pagtugtog ng gitara. Minsan nagja-jamming kami sa bahay, sinasabayan ko ng kanta ang mga tinutugtog ni Papa. Okey din sa akin kung gusto niyang mag-work as a musician dito sa atin.”
Masaya si Jennylyn na ipapalabas na sa Lunes (May 29) ang Pinoy adaptation ng koreanovelang My Love From The Star na pinag-aralan niya nang husto ang role na gagampanan niya bilang si Steffi Chavez.
“Ayaw ko kasing mapahiya sa mga nagtiwala sa aking gampanan ang role ni Steffi, lalo na ang mga tagasubaybay ng Korean romantic-comedy na sikat na sikat hindi lang sa Korea kundi maging dito sa Pilipinas na dalawang beses nang ipinalabas ng GMA-7 at sa buong mundo rin na humahanga sa mga Korean drama.
“Nagpapasalamat din ako kay Gil Cuerva, ang aking si Matteo Domingo dahil ang gaan niyang katrabaho kahit baguhan lang siya at alam kong tanggap na tanggap ng mga tao, based sa mall shows na ginagawa namin ngayon. Salamat din sa magandang feedback na natatanggap ko sa aking Instagram account. May chemistry daw kami ni Gil. Umasa kayong magugustuhan ninyo ang away-bati na eksena nina Steffi at Matteo.” (NORA CALDERON)