Dinalaw kahapon ng anim ng kongresista si Senator Leila de Lima sa kanyang piitan sa Camp Crame, kasabay ng pagsisimula ng pagpupulong ng mga senador hinggil sa death penalty.
Dumating dakong 10:00 ng umaga sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City sina Congressmen Edcel Lagman, Gary Alejano, Edgar Erice, Emmanuel Billones, Raul Daza at Teodoro Baguilat—ang tinaguriang Magnificent Seven—upang bisitahin si De Lima.
Sa isang panayam kay Erice, sinabi niyang payat at maputla ang senadora.
Napag-usapan sa loob ng piitan ang napipintong pagbobotohan sa death penalty.
Pumasa ang panukala sa Mababang Kapulungan nitong Marso, at bubusisiin naman ng Senado sa mga susunod na araw.
Sumulat si De Lima, na nais niyang pansamantalang makalaya upang makaboto sa ilang panukalang-batas na pag-uusapan sa Senado.
Kasalukuyang nakakulong si De Lima, isa sa mga pangunahing kritiko ni Pangulong Duterte, kaugnay ng mga bintang sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drugs.
Dumalaw din kay De Lima ilang linggo na ang nakararaan ang mga miyembro ng minority bloc sa Senado at napag-usapan ang iba’t ibang isyu tulad ng panunumbalik ng death penalty at planong pag-apela para mapayagan ang nakapiit na senador na makadalo sa pagdinig.
Samantala, dumating na sa bansa kahapon ang fact-finding mission ng Inter-Parliamentary Union (IPU) Human Rights Committee upang simulan ang imbestigasyon nito sa sinasabing paglabag sa mg karapatang pantao ni De Lima sa pagkakapiit nito. (Fer Taboy)