Naglaho ang pangarap ng isang piskal na maging judge, matapos tambangan ng anim na katao na pawang lulan sa tatlong motorsiklo sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Dead on the spot si Diosdado Azarcon, 55, residente ng Kalaunran Street, 9th Avenue, Caloocan City, at assistant city prosecutor sa Hall of Justice na matatagpuan sa 10th Avenue, Mabini St.
Ayon kay SPO1 Michael Ramirez, bandang 7:45 ng umaga inabangan at pinagbabaril ang biktima.
Papasok na umano sa opisina si Azarcon at paglabas niya sa gate ng kanilang bahay ay pinagbabaril siya ng isa sa mga armado.
Kahit nakahandusay, nilapitan pa si Azarcon ng suspek at muling pinagbabaril.
Inaalam na kung may kinalaman ang pagpatay sa mga hinawakang kaso ng biktima.
Narekober sa pinangyarihan ang tatlong basyo ng cal. 45 na baril.
Kaugnay nito, kinondena ng Department of Justice (DoJ) ang pananambang sa Caloocan City prosecutor.
Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang isang team ng National Bureau of Investigation na magtungo sa pinangyarihan at magsagawa ng imbestigasyon. (ORLY L. BARCALA at BETH CAMIA)