Ni Reggee Bonoan

HININGAN namin ng wish si Sylvia Sanchez sa ginanap na birthday salubong sa kanya sa bahay nila nitong nakaraang Huwebes.

“Actually, wala naman akong wish na kasi halos natutupad na, siguro good health for all my love ones, especially my family, intact ang family ko. Ano pa, happiness, eh, sabi ko nga, halos nangyari naman na, lalo na ngayon, maganda ang career ng mga anak kong sina Arjo at Ria (Atayde), maganda rin ang career ko, nakailang award na ako. So, wala, nagpapasalamat ako sa Diyos sa lahat ng blessings na natatanggap naming lahat, buong pamilya ko, mga kapatid ko, nanay ko in good health lahat,” sabi ng aktres na nagdiwang ng ika-46 na kaarawan.

At sa mismong birthday party niya na ginanap naman sa Corinthian Clubhouse nitong nakaraang Biyernes, pawang taga-showbiz naman ang bisita ng hinirang na Best Actress 2017 ng GEMS, Gawad Tanglaw, at KPB Golden Dove Award para sa performance niya sa The Greatest Love.

Events

Listahan ng mga nagwagi sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal

Nitong nakaraang Sabado ay hindi nagpatalo ang Sylvianans, grupo ng loyalistang fans  ni Sylvia  na galing sa iba’t ibang panig ng bansa na lumuwas para lang sorpresahin din ang aktres.

Ginanap ang surprise birthday party ng Sylvianians sa Music 21 sa Timog Avenue at nagulat din kami dahil bukod sa bumaha ng pagkain ay may program at may AVP pa sila.

Nagulat si Ibyang dahil nakunan ng fans ng video greetings ang pamilya niya, non-showbiz best friend/confidant niyang si Argee Gaspar na nasa ibang bansa, nangangasiwa ng foundation na tinutulungan niya (ayaw ipabanggit ang pangalan) at marami pang iba.

“Paano n’yo nakunan lahat ‘to?” tanong tuloy ng aktres sa lider ng Sylvanians. “Sinong ka-kuntsaba ninyo?”  sabay tanong din sa kanyang girl friday na si Menggay kung kasabwat at natawa na lang.

Kuwento ng Sylvianians nang tanungin namin, nagsimula ang pagsuporta nila kay Sylvia sa programang Be Careful With My Heart na araw-araw silang nasa taping sa Pila, Laguna, hanggang sa Ningning at sa The Greatest Love.

Heto na ang revelation, Bossing DMB, nanay na nanay talaga ang aktres sa miyembro ng fans club niya dahil kinagagalitan niya kapag may mga nagagawang hindi maganda.

Tulad nu’ng isang miyembro na humingi ng payo sa kanya dahil hindi raw sila okay ng nanay niya at pinayuhan ni Ibyang na batiin ang ina kahit na ano pa ang mangyari.

Tahimik na nakikinig ang lahat ng Sylvianians sa payo ng aktres na dumaan sa matinding hirap sa buhay bago narating ang kinalalagyan ngayon.

Ginawang ehemplo ni Ibyang ang sarili na sa murang edad ay umalis ng bayan nila sa Nasipit, Agusan del Norte para magtrabaho sa Maynila dahil kailangan niyang buhayin ang pamilya niya at nangako sa ina na kahit na anong mangyari ay hindi siya babalik na wala siyang award o napapatunayan, na natupad naman.

“Tandaan ninyo, kaya ako may blessing na ganito dahil never kong binastos ang nanay ko, nag-aaway kami sa ilang bagay, pero hindi ko makuhang bastusin ang nanay ko. Kaya ang buhay ko umayos kasi ang gift ko sa langit, ang nanay ko.  Iniingatan ko ang nanay ko.

“Kaya kayo (Sylvianians) ‘pag may kasalanan kayo, humingi kayo ng sorry sa nanay ninyo o sa magulang ninyo, ‘yung sincere.  Maniwala kayo, may karma kapag kinalaban n’yo nanay ninyo.  At kung may mga anak na kayo, gusto n’yo ba bastusin din kayo ng anak ninyo, di ba, hindi?  Kaya mahalin ninyo nanay ninyo, at iyon ang ipakita ninyo sa mga anak ninyo,” mahabang litanya ni Ibyang.

Binilinan din niya ang supporters na, “Heto pa, huwag na huwag kayong makikipag-away sa bashers, huwag ninyo silang patulan, walang mangyayari sa inyo.  Kung may basher, may nang-aaway, dedma.  Sagutin n’yo lang, ‘God bless.’”

Nabanggit din niya na, “Yung iba, hindi ko pa ina-add sa Facebook kasi hindi ko pa kayo kilala, hindi ko kayo nakikita ng personal, ngayong nakita ko na kayo at natandaan ko na ang mukha ninyo, maa-add ko na kayo.  

“Ako ang tipo ng tao na personal ang gusto kong relasyon sa inyo, gusto ko kilala ko kayong lahat, gusto ko may komunikasyon tayo kaya hindi lang sa ganitong okasyon.

“Pero salamat sa inyong lahat dahil sa effort ninyo, sobrang appreciated ko lahat ng ginawa ninyo, hindi ko kayo makakalimutan.”

Tulad ng ibang fans club, hindi lahat ng miyembro ay may trabaho kaya kung sino ‘yung nakakaluluwag ay sila ang umaako sa mga ilang miyembro na walang mai-share lalo na kapag estudyante pa.

Hindi na namin babanggitin ang pangalan nu’ng isang lider na nagsabing, “Para magkaroon ako ng extra income, nagtitinda ako ng meryenda sa office, tulad ng sandwiches para ito ‘yung pangbigay ko sa ganitong pagkakataon.”

Kaya saludo kami sa fans na effort to the max ang pagsuporta sa hinahangaan nilang artista.

Anyway, binanggit ni Sylvia na magkakaroon daw ulit siya ng TV project pero hindi pa siya nagdetalye pero nagkahiyawan ang Sylvianians dahil may bago na naman daw silang programang susubaybayan.