Humingi ng paumanhin si Jean Paul Generoso, host ng radio show na “11MBPS” ng K5 News FM Bacolod, matapos siyang makatanggap ng batikos kaugnay ng kaniyang naging biro habang nasa live broadcast.
Sa inilabas na opisyal na pahayag, na mababasa sa opisyal na Facebook page ng estasyon, inamin ni Generoso na naging “insensitive, irresponsible, and entirely unacceptable” ang kaniyang paggamit ng salitang may kaugnayan sa rape bilang biro habang tinatalakay ang ulat hinggil sa isang amang umano’y nanakit sa kaniyang menor de edad na anak sa pampublikong lugar.
Ayon kay Generoso, hindi niya intensyong maliitin o gawing katatawanan ang dinaranas ng mga biktima ng pang-aabuso at sexual violence. Gayunman, kinilala niyang mali at hindi nararapat ang kaniyang naging komento, lalo na sa isang pampublikong talakayan sa radyo.
“I take full responsibility for my words. There is no excuse for this severe lapse in judgment,” saad niya sa kaniyang pahayag.
Binigyang-diin din ng broadcaster na ang rape ay isang mabigat at karumal-dumal na krimen na nag-iiwan ng malalim na trauma sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga kababaihan, survivors ng abuso at sexual violence, gayundin sa publiko at mga opisyal ng lungsod.
Dagdag pa niya, nagsilbing malaking paalala ang insidente tungkol sa responsibilidad ng mga mamamahayag at broadcasters sa paggamit ng kanilang plataporma at mga salita.
Nagpasalamat din si Generoso sa mga taong pumuna at nagpahayag ng pagkadismaya sa kaniyang naging biro, at sinabi niyang handa siyang matuto mula sa pagkakamaling ito at sumailalim sa masusing self-reflection upang hindi na ito maulit.
Isa nga sa mga sumita sa kaniya ang dating ABS-CBN news reporter na si Jacque Manabat.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinag-uusapan online ang naturang insidente, kung saan marami ang nagpahayag ng kahalagahan ng pagiging maingat sa mga sensitibong usapin, lalo na sa media at pampublikong diskurso.