Walong suspek sa ilegal na droga at 19 na nagsusugal ang dinampot ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), sa anti-crime operations sa Quezon City nitong weekend.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dinakma ng Masambong Police Station (PS-2) personnel, sa pamumuno ni Police Supt. Igmedio Bernaldez, ang mga drug suspect na sina Richard Dizon, 37; August Padilla, 21; Alvin Dela Cruz, 18; at isang menor de edad, pawang residente ng Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, sa Kalye Onse, Sitio San Roque, Bgy. Bagong Pag-asa, dakong 2:00 ng madaling araw nitong Sabado.

Nakuha mula sa kanila ang apat na pakete ng umano’y shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.

Bandang 8:30 ng gabi nitong Sabado, sa kahabaan ng Congressional Avenue, malapit sa panulukan ng Cagayan Street, Bgy. Ramon Magsaysay, inaresto si Nestor Cruz, 43, ng Bgy. Baesa. Nakuha mula sa kanya ang tatlong pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

National

Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla

Inaresto naman ng Novaliches Police Station (PS-4) operatives, sa pamumuno ni Police Supt. April Mark Young, sina John Rey Encarnacion, 28, at Renato Rivera, 42, kapwa ng Bgy. Tatalon, sa buy-bust sa Cleopas St., Seminaryo, Bgy. Bagbag, Novaliches, sa ganap ng 4:00 ng hapon. Nakuha sa kanila ang dalawang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

Samantala, nalambat naman ng Batasan Police Station (PS-6) operatives, sa pamumuno ni Police Supt. Lito Patay, ang 14 na katao na nagsasabong sa General Del Pilar, Bgy. Bagong Silangan, bandang 11:30 ng tanghali.

Kinilala ang mga suspek na sina Lorenzo Maristela, 48; Jhun Maristela, 40; Arnel Caliso, 48; Lito Bote, 46; Harriel Tibang, 29; Eliseo Tibung, 64; Marlon Alim, 55; Ronald Clavano, 46; Edwin Arroyo, 52; Bonifacio Florez, 60; Vicente Nacion, 61; Alejo Bulan, 43; Edgar Tioson, 49 at Alfredo Gajudo, 34.

Sa isa pang operasyon, hinuli ng Eastwood Police Station (PS-12) personnel, pamumuno ni Police Supt Wilson Delos Santos, sina Lilibert Indico, 45; Eduardo Papasin, 39; Ronilo Paclibar, 38; Efren Redoma, 36; at Ricky Cyuon, 29, pawang residente ng Bgy. Bagumbayan na nahuli sa aktong naglalaro ng “Pusoy” sa anti-criminality operation.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165, (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at sinampahan naman ng kaukulang kaso ang mga ilegal na nagsusugal. (Francis T. Wakefield at Jun Fabon)