Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Foreign Affairs (DFA) na aksiyunan ang mga pang-aabusong ginagawa sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ay matapos malaman ni Duterte sa pilot episode ng kanyang programang “Mula sa Masa, Para sa Masa” na isang babaeng OFW sa Doha, Qatar ang hindi nakauwi dahil sa kanilang utang matapos kanselahin ng kanyang amo ang kanyang kontrata, 11 taon na ang nakalilipas.

“If we have time, I will personally ask the Foreign Affairs department to give more focus on the acts of injustice and we will do the necessary things to help you,” ipinangako ni Duterte sa pre-taped Pilot episode na isinahimpapawid ng PTV4 noong Biyernes ng gabi.

Bukod sa PTV4, ang programa ni Duterte, ang ibang bersiyon ng kanyang hino-host noong siya pa ang alkalde ng Davao City, ay isinasahimpapawid din sa Presidential Communications Facebook page. Si PTV4 Director for Operations Rocky Ignacio ang kanyang co-host.

Ginawa kay Ninoy, ibang-iba sa pinagdadaanan ni FPRRD —Pamilya Aquino

Sa kanilang pag-uusap sa Skype, inutusan ni Duterte ang OFW na si Nancy Aransanzo na magtungo sa Philippine Embassy sa Qatar at siya na ang bahala sa lahat.

“Punta kayo sa embassy natin, babayaran ko utang ninyo at bigyan ko kayo ng travel documents,” maluha-luhang pahayag ni Duterte.

“Papadala ako ng pera pambayad sa utang niyo at umuwi na kayo kaagad,” dagdag niya.

Ayon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), si Aransanzo ay unang natanggap bilang office assistant sa Doha noong 2004 hanggang sa kinansela ng kanyang amo ang kanyang kontrata nang tumanggi siyang bumuo ng “illegal recruitment agency” upang manghikayat ng mga kapwa Pinay.

Idinagdag ng PCOO na naglingkod din si Aransanzo bilang marketing manager na nakikipag-usap sa mga employer sa Qatar at nagsu-supply ng mga manggagawa mula sa Pilipinas, Nepal, at India.

Ayon kay Aransanzo, palaging nagsusulat ng liham para kay Pangulong Duterte ang 11-anyos niyang anak, humihingi ng tulong ngunit hindi ito nakararating.

Nakatanggap lamang sila ng tulong nang bumisita si Duterte sa Qatar noong Mahal na Araw nitong nakaraang buwan.

Nagpasalamat naman si Aransanzo kay Duterte sa kanilang pag-uusap sa Skype.

“Huwag mo akong pasalamatan, ginagawa ko lang ang trabaho ko,” sinabi ng Pangulo kay Aransanzo.

“Bigyan mo ako ng ngiti, huwag mo ako bigyan ng iyak kasi pati ako naiiyak na dito,” dagdag ng Pangulo.

Noong nakaraang buwan, napauwi ni Pangulong Duterte sa bansa ang 140 OFW sa kanyang state visit sa Kingdom of Saudi Arabia, Bahrain, at Qatar. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)