ANG pangunahing layunin ng proyektong Balik-Sigla sa Ilog at Lawa (BASIL Project), ayon kay Secretary Manny Piñol, ng Department of Agriculture (DA), ay buhaying muli ang mga katawang tubig tulad ng mga lawa, ilog at sapa na ang mga isda ay kakaunti bunga ng pang-aabuso at labis na paggalugad sa mga lugar na pangisdaan. Napapanahon na para i-revive o pagpanibaguhing-buhay. Sisimulan ang BASIL Project sa Laguna de Bay.
Ang Laguna de Bay ang pinakamalaking lawa sa Timog Silangang Asia. Tinatayang nasa 90,000 ektarya ang laki nito na noon ay tinitirhan ng 200 fish species. Sa ngayon, ang mga isdang nabubuhay pa at nahuhuli ay mga kanduli, tilapia, bangus, dalag, hipon, karpa, big head, gurami, ayungin, biya, dulong at iba pang lamang-lawa. Ang ayungin at biya ay mahal pa sa isang kilo ng karne sapagkat kakaunti ang nahuhuli.
Nang magsulputang parang kabute at magtayo ng mga fish pen at fish cage sa lawa, halos nabakuran ang lawa. Lumiit ang lugar na pangisdaan ng maliliit na mangingisda. Ang mga may-ari ng fish pen ay mayayamang negosyante, mga retiradong opisyal ng militar at pulisya at mga dating sirkero at payaso sa pulitika. Sa kasalukuyang administrasyon, pinagiba ang mga legal at illegal fish pen sa Laguna de Bay.
Sa ngayon, ang Laguna de Bay ay hindi na masasabing 90,000 ektarya sapagkat nabawasan na ito. Tinabunan at binakuran ng mga walang hiya at makakapal ang mukha nating mga kababayan, ng mga tuso at maimpluwensiyang negosyante. At mga sakim na nakatira sa tabi ng Laguna de Bay. Napatituluhan ang tinabunan at binakurang bahagi ng lawa. May itinayong mga business establishment at memorial park. Idagdag pa ang reclamation sa bahagi ng lawa sa Taytay, Rizal at Taguig City sa ginawang C-6. Nasa 42 kilometrong haba rin ng lawa ang balak tabunan upang gumawa ng kalsada mula sa Taguig City hanggang sa Los Baños, Laguna.
Bilang simula ng proyektong Balik-Sigla sa Ilog at Lawa, nitong Mayo 2, pinulong ni Piñol ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pambansang pamahalaan, pamahalaang panlalawigan, miyembro ng academe at scientific communities at leader ng mga mangingisda para sa implemantasyon ng proyekto. Ang BASIL Project ay isang National Inland Fisheries Enhancement Program na limang taong plano na sakop ang 13 pangunahing lawa at ilog sa bansa.
Bahagi ng rehabilitasyon ang paglilinis, ang pagpaparami ng mga nangawalang isda at seeding o paghuhulog ng mga fingerlings ng iba’t ibang sepecies sa lawa, ilog at iba pang inland waters. Layunin din ng proyekto na tumulong na magkaroon ng katuparan ang food security at matugunan ang kahirapan sa pangingisda. (Clemen Bautista)