KAMAKAILAN lamang, sa loob ng ilang segundo, pinalusot ng Commission on Appointments (CA) ang pagtatalaga kay Sen. Allan Peter Cayetano bilang Foreign Affairs secretary. Sinundan ito ng iba pang opisyal na hinirang ni Pangulong Digong sa iba’t ibang posisyon. Ngunit, ibinitin ng CA ang confirmation sa nominasyon ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Judy Taguiwalo. Isinalang na ito noon at ilang oras siyang ginisa ng mga kasapi ng CA. Hindi lang nila tinanong ang kanyang simulain at paninindigan, kundi pati mga personal na bagay.
Dito inungkat ni Sen. Tito Sotto ang kanyang pagiging “single parent,” pero sa sitwasyon niya at ng iba pang babae na kagaya niya, ang tamang termino, aniya, ay “solo parent.”
Sa paggamit ng CA ng kapangyarihang magkumpirma ng nominasyon, makikita kung anong klase ng mga tao ang nalalagay sa Kongreso. Ang halalang nagaganap sa ating bansa ay hindi sumasalamin sa tunay na damdamin ng mamamayan. Higit nitong nasasala, para makapasok sa gobyerno at magamit ang kapangyarihan ng taumbayan, ay ang mga taong makasarili. Hindi mahalaga kung nagagamit ng taumbayan ang pamahalaan bilang epektibong instrumento para mapangalagaan ang kanilang kapakanan at maikalat ang biyaya ng bansa.
Tingnan ninyo ang ginawa nila kay Gina Lopez. Ibinasura ang kanyang nominasyon bilang DENR secretary dahil, ayon kay Sen. Ping Lacson, may pagka-diktador daw ito. Hindi umano sinunod ni Lopez ang batas, kundi gumawa ito ng sariling patakaran sa pagpapatakbo ng kanyang departamento. Kaya, sa isang pulong ng mga negosyante, siniguro ni Finance Secretary Sonny Dominguez na susundin ng administrasyon ang batas. Kung kulang ang batas dahil hindi ito sapat para sa kanyang layunin, ang Kongreso ang magpupuno nito.
Patutsada ito kay Lopez, na tutulan ang kanyang nominasyon, dahil gumawa ito ng mga patakaran sa hangarin niyang mapangalagaan ang kapaligiran na sinira ng mga minero. “Social justice ang aking layunin,” pagtatanggol niya, “na sa aking paniniwala ay tungkulin kong itaguyod.” Sa pangangalaga, aniya, ng kalikasan ay maproteksiyunan niya rin ang kapakanan ng mamamayan na pinadukha ng pagmimina. Ibinasura nga ang kanyang nominasyon at nakakita ang mga mambabatas ng dahilan para maitago ang makasarili nilang layunin.
Ito rin ang kanilang dahilan kung bakit ibinibitin ang kumpirmasyon ni Taguiwalo. Minsan nasabi ni Pangulong Duterte na ibinigay niya rito ang ilang milyong piso bilang tulong sa mga biktima ng kalamidad. Nakasisiguro raw siya na makararating ang tulong sa mga talagang nangangailangan dahil naniniwala siya sa katapatan nito. Eh, gusto ng mga mambabatas na sa pag-ayuda ng DSWD sa mahihirap, dumaan muna sa kanila dahil sila umano ang higit na nakakaalam sa kondisyon ng kanilang nasasakupan. Kaya, kung wala o kaunti ang nalalasap na tulong ng mahihirap ay dahil kinamkam ng pinakamalaking sindikato, ang Kongreso. (Ric Valmonte)