Hindi pa tapos ang misyon sa buhay ng isang lalaki makaraang makaligtas mula sa kamatayan, nang barilin sa ulo ng armado sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Puro dugo ang mukha ni Emiric Laurence Cano, 23, ng No. 113 Adante Street, Barangay Taniong, nang isugod sa Tondo Medical Center at makalipas ang ilang oras ay pinauwi rin nang mabatid na dumaplis lang ang bala ng cal .38 baril sa kanyang ulo.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jose Romero Germinal II, dakong 4:00 ng madaling araw, abala sa pagti-text si Cano sa Sumano Compound, Manapat St., Bgy. Taniong, Malabon City.
Maya-maya pa’y sumulpot ang isang lalaki at malapitang binaril ang biktima at bumulagta sa semento.
Sa pag-aakalang patay na ang biktima, tumakas na ang suspek habang isinugod ang biktima sa nasabing ospital.
Ayon naman kay Cano, wala siyang kaaway at lalong hindi siya sangkot sa ilegal na droga.
“Hindi ko pa oras, marami pa siguro tayong misyon sa mundong ibabaw,” sambit ni Cano. (Orly L. Barcala)