Madugo ang pagkamatay ng isang ginang nang pagbabarilin ng isa sa apat na hindi pa nakikilalang suspek, habang sugatan naman ang sacristan matapos tamaan ng ligaw na bala sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival sa Chinese General Hospital si Maria Nena Arcinas, 42, ng Agudos Street, Barangay 131 ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng bala ng cal. 45 baril sa ulo at katawan.

Isinugod din sa nasabing ospital si alyas Tupe, sacristan, makaraang tamaan ng bala sa kaliwang pige.

Base sa report, dakong 10:35 ng gabi ay nagbabantay si Arcinas ng kanyang tindahan. At sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, kitang-kita ang pagdating ng dalawang lalaki na lulan sa motorsiklo.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Tumambay ang mga ito sa kanto ng Cabatuhan at Agusod Street at tila may hinihintay.

Makalipas ang ilang minuto ay dumating ang dalawa pang lalaki, sakay din sa motorsiklo, at nilapitan ang unang dalawang lalaki.

Bumaba sa motorsiklo ang isang lalaki at tuluy-tuloy sa tindahan ni Arcinas at saka pinagbabaril ang ginang habang nadaplisan naman si Tupe.

Limang basyo ng cal. 45 ang narekober ng mga tauhan ng Scene of the CrimeOperatives (SOCO) sa pinangyarihan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Orly L. Barcala)