SA isang press conference, sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na ang reklamo ng isang abogado sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanya at sa iba pa ay dapat isinampa sa mental hospital.
Wala umanong jurisdiction ang ICC. Inihabla sila ng abogado sa salang mga grabeng krimen at maramihang pagpatay bunga ng kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga.
Isinagawa ang press conference matapos ibasura ng mga kaalyado ng Pangulo sa kamara ang impeachment complaint. Ang panunuya ni Alvarez sa demanda ay nag-ugat sa naging pahayag ni Partylist Rep. Gary Lejano na pinag-iisipan niyang magtungo rin dito at papanagutin ang Pangulo sa pagpaslang sa 8,000 drug suspect at sa mga pagpatay ng Davao Death Squad (DDS) noong siya pa ang mayor ng Davao City.
Nagdudulot si Pangulong Digong ng ibang klaseng leader. Tingnan ninyo si Alvarez, matapang na wala pang galang sa kanyang kapwa. Sukat ba namang sabihin niyang “pang mental hospital” ang habla laban sa kanila sa ICC. Ang ibig niyang sabihin ay sira ang ulo ng abogadong gumawa nito. Kung gagawin din ito ni Lejano, kagaya rin siya ng abogado.
Hindi naman siya itinuring na ganito nang paimbestigahan niya ang kontrata sa pagitan ng Tagum Development Corp. (TADECO) at Bureau of Corrections (BuCor) sa Department of Justice (DoJ) dahil, aniya, lugi dito ang gobyerno.
Pinakakansela niya sa DoJ ang kontratang ipinarerenta ng BuCor sa TADECO ang malawak nitong lupain sa Davao Penal Colony na ginagawang taniman ng saging. Eh, matagal nang inuupahan ng TADECO ang nasabing malawak na lupain.
Pero, bakit ngayon lang kumilos si Alvarez para proteksiyunan ang interes ng gobyerno kung totoong hindi patas ang kontrata? Kasi nag-away ang babaeng karelasyon ni Alvarez at ang babaeng karelasyon ni Congressman Florendo na ang...pamilya nito ang nagmamay-ari ng TADECO. Si Florendo ay kapartido nina Pangulong Digong at Alvarez, at inaasahan nang hindi pakikialaman ni Alvarez ang nasabing kontrata ng TADECO at BuCor dahil kay Florendo. Pero, higit na matimbang ang relasyon ni Alvarez sa babae.
Kung kahibangan ang ginawa ng abogado at ang pinag-isipang gayahin ni Alejano na ihabla sa ICC si Pangulong Digong, hindi ba kahibangan, kung hindi higit pa, ang ginawa ni Alvarez? Ang mainam sa mga kahibangang ito ay para naman sa ikabubuti ng bayan. (Ric Valmonte)