Nananawagan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga kinauukulan, maging sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila, na aksiyunan ang lumalalang kalagayan ng mga bilanggo.

Napag-alaman na patuloy ang pagdami ng preso sa mga selda sa lahat ng himpilan ng pulisya sa Metro Manila kaya hindi maiwasan ang siksikan.

Inihalimbawa ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde ang kulungan sa Taguig City Jail, kung saan 62 katao lang ang kakasya, ngunit nasa 200 katao ang nagsisisikan doon.

Dahil dito, aabot sa 150 bilanggo ang pansamantalang inilipat sa detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

“We have experienced 26 deaths since July 1 (last year) in the entire Metro Manila and out of that 26, 18 of them are in Taguig,” ani Albayalde.

Ito ang dahilan, aniya, kung bakit pinagsikapan nilang ilipat ang ilang preso upang maiwasan ang pagkamatay dahil sa pagsisiksikan.

Bukod sa pagsisiksikan, inamin din ni Albayalde ang problema sa pondo para sa pagkain ng mga preso, na nilinaw niyang hindi saklaw ng budget ng PNP. (Bella Gamotea at Aaron Recuenco)