Pumalo na ang utang ng Pilipinas sa halagang ₱18.55 trilyon nitong buwan ng Mayo, batay sa pinakahuling datos ng Bureau of the Treasury (BTr) noong Huwebes, Hulyo 2, 2026.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, mas mataas ito ng 0.4% o ₱76.1 bilyon kumpara sa ₱18.47 trilyon noong buwan ng Abril.
Naging dahilan din daw ang ilang salik gaya ng local bonds at ang tensyon sa pagitan ng mga bansa sa Gitnang Silangan sa paglobo ng utang ng bansa.
Gayunpaman, iginiit ng BTr na nakatulong ang umano’y pagtaas ng halaga ng piso kontra US Dollar at iba pang foreign currency upang hindi tuluyang tumaas nang tumaas ang naturang numero.
Ayon pa sa BTr, nasa ₱12.5 trilyon na ang domestic debt ng Pilipinas nito ring Mayo—mas mataas sa ₱12.42 trilyon noong Abril.
Samantala, bahagyang bumaba naman ang external debt ng bansa, kung saan umabot ito sa ₱6.05 trilyon nitong Mayo kumpara sa ₱6.06 noong buwan ng Abril.
Sa usaping pang-ekonomiya, matatandaang napaulat naman noong Miyerkules, Hulyo 1, ang pormal na pagkilala ng World Bank sa bansa bilang isang ganap na Upper middle-income country.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano nagiging 'upper middle-income country' ang isang bansa?-Balita