KASABAY ng pagpapahintulot ng gobyerno upang umangkat ng bigas, kumulo rin ang espekulasyon na isang makapangyarihang mafia ang sinasabing nanghimasok sa naturang transaksiyon sa mismong tanggapan ng National Food Authority (NFA). Ang nasabing grupo ng mafia o sindikato, na umano’y binubuo ng malalaking negosyante, ang mistulang nagluto, wika nga, ng kontrobersiyal na pag-angkat ng pangunahing butil.

Hindi ko matiyak kung ang pagkilos ng nabanggit na mafia ay may bendisyon ni NFA Administrator Jason Aquino. Subalit may mga pahiwatig na ang pagkilos ng nasabing sindikato ay hindi lingid sa mga kaalyado ng pamunuan ng naturang tanggapan. Sa kabila ng nasabing mga haka-haka, nakalusot na rin ang masalimuot na importasyon ng bigas.

At iisa ang pinagbatayan ng NFA Council sa pagpapatibay ng rice importation: Upang hindi masaid ang buffer stock para sa pangangailangan ng mga mamamayan. Hindi ko makita ang lohika kung bakit kailangan pang umangkat ng bigas gayong laging ipinangangalandakan ng administrasyon na bastante ang inani ng ating mga magsasaka.

Sa aming lalawigan lamang sa Nueva Ecija – at maaaring sa iba pang probinsiya na maituturing na ring pare-parehong naging rice granary of the Philippines tulad ng Pangasinan, Isabela at iba pa – ay sagana sa inaning palay.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Katunayan, namumutok ang mga bodega ng palay sa nasabing mga lugar. Bakit kailangan pa natin ngayong umangkat ng bigas sa Vietnam, Thailand, India at Pakistan?

Dahil dito, hindi malayo na maghinala ang mga gobernador ng nasabing mga lalawigan na ang pasiya ng NFA Council ay isang dagdag na pagdurusa sa mga magsasaka. Sa halip na bilhin ng NFA sa mataas na presyo ang kanilang ani, mas hinahangad pa nilang dumagsa ang imported rice sa ating bansa. Ang dapat sanang isulong ay sapat na subsidy sa mga magbubukid upang lalo silang sumigla sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon.

Sa hindi katanggap-tanggap na pag-angkat ng bigas, natitiyak ko ang patuloy na pamamayagpag ng rice cartel na pinaghaharian ng malalaking negosyante na ang karamihan ay mga dayuhan. Sila ang nagdidikta ng presyo ng bigas sa mga pamilihan na tiyak na magpapabigat sa karaniwang mamamayan. Eksperto sila sa paglikha ng artificial rice shortage na madali namang pinaniniwalaan ng ating mga awtoridad na kasabwat ng mga negosyanteng malimit taguriang mga buwitre ng lipunan o vultures of society.

Alam kaya ni Pangulong Duterte ang sinasabing mafia o sindikato sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, lalo na sa NFA? Ito kaya ay may bendisyon niya? (Celo Lagmay)