SA pagpapawalang-sala ng Court of Appeals (CA) kay Janet Lim-Napoles sa kasong “illegal detention”, na inihain ng kanyang pamangkin na si Benhur Luy, may ilang aksiyong ikakasa ang Pamahalaan.
Bagamat hindi pa laya si Napoles dahil nga sa “pork barrel scam” na kanya umanong kinasasangkutan, ang tanging paraan para gumaan ang kanyang kaso, ay tumayo siyang state witness.
Hinihiling na ito ng kanyang abogado, kasabay paglipat sa kanya sa mas ligtas na bilangguan. Ayon sa mga kakilala ko sa loob, abala ngayon ang Department of Justice (DoJ) sa pag-aaral sa kaso ni Napoles upang iugnay ang ilang bigating pangalang ilalaglag nito sa tamang hudyat.
Plantsado na ang “state witness” na hinihiling ni Napoles. Inaayos na ng kanyang kampo ang bago niyang salaysay at affidavits, na maaaring magdawit sa mas maraming pangalan sa kongreso, senado at palasyo. Ilan sa mga ito ay nakaupo pa habang ang ilan, retirado na. Ang tanong: hanggang saan nais habulin ng DoJ ang dagdag listahan na ibubunyag ni Napoles sa kanyang tinaguriang, “black book?”
Hindi kasi kumpleto ang naunang listahan na ibinunyag ni Napoles. Matatandaan, nagpasundo siya kay Secretary Edwin Lacierda at sa kanyang abogado na si Lorna Kapunan sa Heritage Park sa Taguig. Dinala sa Malacañang at doon “kinausap.”
Matapos nito ay inihatid pa ni dating Pangulong Noynoy si Napoles sa Crame. Hindi ba nakapagtataka at nakakaasiwa?
Pangulo pa ang body guard? Mas mainam na kung huwag na lang isakdal ang ilang senador o congressman na maaaring mawasiwas sa kaso.
Sa halip, iumang ang buong puwersa ng DoJ sa tatlong “utak” ng pork barrel at PDAF scam. Sumisingaw na kasi ang usap-usapan na lahat ng official record at document ni dating PNoy noong siya ay congressman, at mantakin niyong naging House Deputy-Speaker pa, ay hindi na mahanap kaugnay ng paggamit niya ng kanyang “pork barrel.”
‘Pag may katungkulan nga naman sa Batasan, hindi lang P70 milyon ang toka taun-taon. Pati sa Senado, nawawala rin ang mga financial record ni Noynoy, noong siya ay senador pa, at papaano nagpapadagdag ng pondo sa kanyang P200 milyong pork barrel kada taon, dahil kinukulang.
Wika nga, “nilinis” lahat ng ebidensiya na maaaring mag-ugnay kay Noynoy sa nasabing scam. Bukod diyan, upang hindi mabisto, may ugnayan sina Napoles at Noynoy noong mambabatas pa ang huli. Sino naglinis? Dilaw na senador na dating may katungkulan! (Erik Espina)