TULAD ng inaasahan, “pinatay” ng mga kongresistang kasapi ng super majority sa Kamara ang impeachment complaint laban kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na inihain ni Magdalo Party-List Rep. Gary Alejano. Nagrereklamo si Alejano na hindi siya pinayagang magsalita sa pagdinig ng House committee on justice gayong siya ang main complainant. Ang komite ay pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, katuwang si Majority Leader Rodolfo Farinas ng Ilocos Norte.

Dismayado si Alejano. Kung sa bagay, maging siya at si Sen. Antonio Trillanes, kritiko ni Mano Digong, ay may duda rin na uusad ang impeachment complaint laban sa Pangulo. Tinagurian nga itong “suntok sa buwan” o kaya’y “suntok sa hangin” ng mga political analyst. Tiyak daw na sa komite pa lang, ito ay “babarilin” at itutumba ng mga mambabatas na miyembro ng sinasabi nilang “rubber stamp” ng Malacañang.

Sa 50 kasapi ng komite, 42 ang bumoto na kulang sa sustansiya (substance) ang reklamong impeachment kaya tuluy-tuloy sa basurahan. May 41 naman ang bumoto na may sapat na porma (form) ang reklamo ni Alejano. Ang mahalaga sa impeach complaint ay sustansiya at hindi ang porma. Pahayag ni Umali: “We will convene again so that the committee will make the report and submit this to plenary.” Tanong: “Ganito rin kaya ang mangyari sa impeach complaint laban kay VP Robredo?”

Tungkol naman sa isyu ng bigas at palay sa bansa, nais ni Manila 1st District Rep. Manuel “Manny” Lopez na mag-imbestiga ang House commitee on agriculture and food at ang House special committee on food security, tungkol sa umano’y “Rice Shortage” bunsod ng pansamantalang pagtigil ng importasyon ng bigas.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ayon kay Lopez, katig si Pres. Rody sa apela ng mga magsasaka na itigil muna ang pag-angkat ng bigas dahil masagana ang ani ngayong 2017 kumpara nong 2016. Anyway, itutuloy rin ito pagkatapos ng anihan alinsunod sa rekomendasyon ni Agriculture Sec. Manny Piñol.

Pinuri niya sina PDu30 at Piñol sa layuning protektahan ang interes ng mga magsasaka at mamamayan laban sa manipulasyon sa presyo ng bigas ng malalaking negosyante. Naghain siya ng Resolution No. 951 para siyasatin ang rice shortage” at Rice Cartel”.

“Dapat siyasatin ng Kamara ang pamamayagpag ng ‘rice cartel’ ng ilang dekada na nagreresulta ng rice shortage at pagtaas ng presyo ng bigas. Itinatago lang umano ng malalaking negosyante ang bigas upang pagtubuan nang malaki. Nakakalungkot isipin na may mga kilalang lugar sa Metro Manila, Bulacan at iba pang bahagi ang ginagawang imbakan at taguan ng bigas.”

Gaano raw kapanganib sa isang pasyente na may sakit sa puso ang sex o pakikipagtalik? Ayon sa isang doktor, isang pasyente na nasa middle-age ang ginamot niya isang taon matapos itong atakehin sa puso. Naka-recover naman kaya lang nangangamba siya at ang ginang na baka masama silang magtalik. Umiinom siya ng gamot, nakapaglalaro ng golf at hindi na sumasakit ang dibdib. Kaya lang, takot siyang atakehin kapag nasa “ibabaw na.”

Payo ng doktor: Ok lang na makipag-sex sa Misis, pero bawal sa ibang babae. “If a patient can climb two flights of stairs or walk four regular blocks, he’s ready”. Ang sex act daw (hindi acrobatic sex) ay katumbas lang ng pag-akyat sa hagdanan. Pero, kwidaw kayo, sa Mrs. lang ninyo dapat gawin ito at hindi sa ibang babae! (Bert de Guzman)