Hindi nakaligtas ang sasakyan ng dating councilor at actress na si Aiko Melendez matapos itong hatakin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dahil nagiging sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko sa Quezon City nitong Martes.
Ayon kay Bong Nebrija, MMDA supervising operations officer, kabilang ang sasakyan ni Melendez sa 20 sasakyan na hinatak sa pagpapatuloy ng kampanya na linisin ang lansangan mula sa ilegal na pagparada sa kahabaan ng Mother Ignacia corner Scout Borromeo.
Dinala ang sasakyan ni Melendez sa impounding area ng ahensiya sa Pasig City.
Sinabi ni Nebrija na nakaparada ang sasakyan ni Melendez sa isang tow-away zone.
Nang hahatakin na ang sasakyan, sinabi ng driver na mayroon siyang permit mula sa barangay para pumarada sa lugar.
“However, according to the barangay, it was a permit for shooting a television show, not to park their vehicle,” ani Nebrija.
Kinailangan magbayad ni Melendez ng towing fee sa pagkuha ng kanyang sasakyan.
“The minimum towing fee is P1,500 plus P200 per succeeding kilometers from the point of towing to the impounding area,” ayon kay Nebrija. (Anna Liza Villas-Alavaren at Bella Gamotea)