Itinuturong dahilan ng Malacañang ang “global oil crisis” bilang isang salik sa pagbaba ng employment rate sa bansa.
Matatandaang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules, Hulyo 8, na pumalo sa 95.2% ang employment rate sa Pilipinas noong buwan ng Mayo—bahagyang mas mababa sa 95.3% noong Abril.
KAUGNAY NA BALITA: Mga Pinoy na walang trabaho, sumipa sa 2.5 milyon nitong Mayo 2026!-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Hulyo 8, tahasang sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang pagbaba ng porsyento ng mga manggagawa sa bansa ay inaasahan na.
“Nagkaroon po talaga ng pagbaba sa employment rate dahil ito po naman ay talagang inasahan dahil nga po naging reason ang global oil crisis,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Kahit po sa parte ng agrikultura—although hindi po natin alam, dahil may naibalita rin po ang PSA na mayroong bumaba na employment patungkol po sa agrikultura—pero tinitingnan din po ito ni Secretary Kiko Laurel anong sektor, dahil talaga pong malaki rin po ang naging epekto ng naging kaguluhan sa Middle East sa ating mga kababayan.”
“Kaya nga po tuloy-tuloy ang pagtulong at pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan dahil inaasahan po talaga na maaapektuhan ang mga employment ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Pagtitiyak naman ng press officer, sinisiguro ng pamahalaan ang pagmo-monitor at pag-aksyon upang mapigilan ang pagtaas ng unemployment rate sa bansa.
“Hindi naman po ito pinababayaan, lagi po itong mino-monitor ng ahensya ng gobyerno; at marami pong ginagawa dahil nga po although sinasabi natin sa ngayon ito’y nararamdaman because of the oil crisis, nando’n pa rin po ‘yong interventions ng government para po kahit papaano ay maibsan nga ang impact nitong nararanasan natin—na hanggang ngayon po ay nandiyan pa rin po but still, hindi nagpapabaya ang gobyerno para kahit papaano ay makapagbigay tayo ng ayuda sa ating mga kababayan,” anang press officer.
Sa kaugnay na ulat, sumipa sa 2.5 milyong Pinoy ang walang trabaho noong buwan ng Mayo, batay sa datos ng PSA.
Mas mataas ito sa 2.41 milyon noong Abril 2026.