Pumalo sa 2.5 milyong mga Pilipino ang walang trabaho nitong buwan ng Mayo, batay sa datos na ibinahagi ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Miyerkules, Hulyo 8, 2026.
Ayon sa PSA, ang naturang tala ay katumbas ng 4.8% unemployment rate.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa 4.7% noong Abril 2026, o katumbas ng 2.41 milyong Pinoy na walang trabaho.
Hindi hamak na mas mataas din ito sa 3.9% noong Mayo 2025, katumbas ng 2.03 milyong unemployed Filipinos.
Sa usapin ng mga Pilipinong manggagawa, naitala rin ng PSA ang 95.2% employment rate sa bansa noong Mayo 2026—na katumbas ng 49.63 milyong indibidwal.
Mas mababa ito sa 95.3% noong Abril 2026, kung saan umabot sa 48.89 milyong mga Pilipino ang may trabaho—pati na rin sa 96.1% o 50.29 milyong Pinoy noong Mayo 2025.
Batay sa paliwanag ng PSA, ilan lamang sa mga sektor na nakapagtala ng pinakamataas na employment sa bansa ay ang serbisyo, agrikultura, at industriya.
“The Services sector made up the highest employment with a share of 61.8 percent of the total employed persons in May 2026. The Agriculture and Industry sectors accounted for 19.9 percent and 18.3 percent of the total number of employed persons, respectively,” saad ng PSA.
“By sub-sector, the top three with the highest employment were Wholesale and Retail Trade; Repair of Motor Vehicles and Motorcycles (19.6%), Agriculture and Forestry (17.2%), and Construction (10.0%),” dagdag pa nito.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Mas tumaas?’ Mga Pinoy na walang trabaho, pumalo sa 2.41M noong Abril-Balita