ISANG malaking kabalintunaan na sa mismong jobs fair pa, na itinaguyod ng gobyerno, napansin ang diskriminasyon sa pagtanggap ng mga nakatatandang naghahanap ng trabaho o senior jobseekers. Isang establisyemento o employer na lumahok sa naturang proyekto na pinamahalaan ng Department of Labor and Employment (DoLE) kamakailan ang tandisang tumanggi sa isang aplikante dahil sa kanyang edad.

Natitiyak ko na matindi ang pagkasiphayo ng naturang senior jobseeker – si Benito Parman, 60, isang high school graduate – nang mistulang ibasura ang kanyang aplikasyon ng tatlong employer sa nasabing DoLE jobs fair. Mabuti na lamang at natauhan din ang ilang business process outsourcing (BPO) sa pagsubok sa kanyang kakayahan para sa nasabing establisyemento. Maliwanag na kinikilala nila ang kanyang abilidad sa pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng mga lengguwahe na sinasalita at nauunawaan niya.

Ano man ang maging kapalaran ni Parman sa paghahanap ng mapapasukan, inaasahan niya ang mahigpit at patas na implementasyon ng Anti-Age Discrimination in Employment Act na hindi pa natatagalang nilagdaan ni Pangulong Duterte.

Katunayan, ito ang nagbigay sa kanyang pag-asa na muling makapagtrabaho para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya. Dati siyang namasukan bilang kusinero sa Libya subalit napilitang umuwi dahil sa paglubha ng political tension sa naturang bansa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Bilang isa ring senior citizen at job seeker, nauunawaan ko ang nakapanlulumong karanasan ni Parman. Dapat ding maunawaan ng mga employer ang mahigpit na pangangailangan ng nakatatandang aplikante na makakita ng kanilang mapagkakakitaan. Minsan na ring napatunayan ang kanilang mga kakayahan, katalinuhan at kasipagan sa dati nilang mga pinasukang trabaho. Dangan nga lamang dahil sa hindi maiiwasang mga pangyayari, tulad ng mandatory at early retirement, napilitan silang mamahinga sa gawain. Subalit hindi ito nangangahulugan na sila ay pabigat na sa operasyon ng mga... establisyemento.

Totoong hindi masisisi ang mga employer sa pagtanggap ng nakababatang mga aplikante o kawani; karapatan nilang pumili ng mga maglilingkod sa kani-kanilang mga kumpanya, lalo na kung isasaalang-alang ang katauhan, kakayahan at edad ng mga ito.

Gayunman, hindi dapat ipagwalang-bahala ang nabanggit na batas hinggil sa age discrimination. Walang sino mang dapat tanggihang makapagtrabaho dahil lamang sa edad. May kaakibat na parusang pagkabilanggo at multa ang sino mang employer na lalabag dito.

Totoong may katandaan na ang mga senior jobseeker. Subalit totoo rin na sila ay may pinagkatandaan sa pagtatrabaho at sa pakikipagkapwa-tao. (Celo Lagmay)