ANG kapangyarihan ng Pangulo na humirang ng mga opisyal sa kanyang administrasyon ay nakasalig sa ideya na (1) dapat siyang bigyan ng karapatan na pumili ng mga mapagkakatiwalaan sa pagpapatupad sa kanyang agenda, at (2) pipiliin niya ang pinakamabuti at pinakamagaling upang payuhan siya sa kanyang pamumuno.

Ang kapangyarihang ito ay nililimitahan ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Commission on Appointments (CA), na nagrerepaso at nagpapatibay sa paghirang ng Pangulo.

Kamakailan, inihayag ni Pangulong Duterte ang ilang paghirang upang punuan ang mga bakanteng posisyon sa kanyang pamahalaan. Kabilang dito si dating Armed Forces Chief of Staff Gen. Roy Cimatu bilang kapalit ni Gina Lopez, na tinanggihan ng CA bilang kalihim ng Department of Environment (DENR). Si Senador Alan Peter Cayetano, running mate ni Duterte sa nakaraang halalan, ay nahirang upang pamunuan ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Hinirang din ng Pangulo si Nestor Espenilla bilang bagong gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año bilang susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang paghirang sa apat na opisyal ay bahagi ng pangako ng Pangulo na magtalaga ng mga opisyal na mapagkakatiwalaan at maaasahan na ipatupad ang mga programa ng pamahalaan.

Malaki ang hamong kinahaharap ni Ambassador Cimatu dahil ipinakita ni Gina Lopez ang malaking pagnanais na maging kalihim ng kalikasan. Kinilala ito maging ng mga tumutol sa kanyang pag-upo sa posisyon.

Naniniwala ako na makakaya ni Amb. Cimatu ang hamon. Nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA), malaki ang karanasan niya hindi lamang bilang isang kawal kundi sa pamamahala sa militar. Mabilis ang kanyang pagsulong mula sa pagiging platoon leader hanggang sa maging pinuno ng Armed Forces Southern Command noong 2000.

Pagkatapos ng maningning na karera sa militar, hinirang si Cimatu bilang special envoy sa Middle East. Malaki ang ginampanan niyang papel sa pagpapalaya ng mga Pilipinong na-kidnap sa Iraq.

Makatutulong ang karanasan ni Cimatu sa militar at diplomasya upang magkaroon ng maingat na balanse sa pangangailangan na protektahan ang kalikasan at tugunan ang pangangailangan ng ekonomiya. Hindi magkatunggali ang dalawang interes na ito, at umaasa ako na maisusulong ito ng bagong kalihim.

Nagagalak din ako sa paghirang kay Senador Cayetano sa DFA. Isa siyang... miyembro ng Nacionalista Party at malapit sa akin, at wala akong alinlangan na magiging mabuti ang kanyang pamumuno sa DFA.

Gaya ng kanyang ama, ang yumaong Senador Renato Cayetano, si Alan ay isang produktibong lingkod-bayan at magaling na abogado. Ang dalawang katangiang ito ang kailangan sa paggabay niya sa ating polisiyang panglabas sa gitna ng mga hamon, gaya ng South China Sea, Russia at relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.

Binabati ko si Pangulong Duterte sa paghirang sa mga bagong opisyal na nabanggit, at inaasahan ko ang matagumpay na pamumuno nina Amb. Cimatu at Senador Cayetano upang isulong ang pag-unlad ng ating bansa.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)