MAYO 12, nag-celebrate ng birthday si Dennis Trillo kasama ang kanyang buong pamilya at pamilya ni Jennylyn Mercado. Iyon daw ang gusto niya, kasama niya ang lahat ng mga mahal niya sa buhay sa kanyang birthday.
Pero totoo ba na may pamamanhikang naganap sa birthday celebration niya? Hiningi na ba niya ang kamay ng girlfriend niya sa Papa Noli nito?
“Wala pong pormal na pamanhikan,” natatawang sagot ni Dennis nang makausap namin sa press launch Mulawin vs Ravena (MVR), ang bagong telefantasya ng GMA-7. “Masaya lang kaming nagsama-sama at wala pa kaming balak magpakasal ni Jen.
Ayaw din naming lagyan ng label ang aming relasyon, basta masaya lang kaming dalawa at nagkakaintindihan kami.”
Noong press launch, Mayo 15, nasabay namang birthday ni Jen, hindi sila magkasama, wala bang dinner, at ano ang birthday gift niya sa girlfriend?
“Hindi po, mayroon din kasi siyang taping ngayon ng My Love From The Star kaya saka na lang kami magdi-dinner.
Siyempre po may birthday gift ako, sa akin na lang ‘yon.”
Kumpirmadong hindi tumatanggap ng anumang ibang project si Dennis simula nang tanggapin niya ang MVR, dahil gusto niyang mag-concentrate sa role niya bilang si Gabriel, ang role na ginampanan din niya sa unang Mulawin.
“Hindi po biro ang paghahanda kong ginawa rito dahil iba ang role ni Gabriel, isa akong Ravena at hari ng Halconia.
Maraming twists sa character ko kaya marami talaga akong bagay na dapat pagtuunan ng pansin. Noong simula, nahirapan ako sa costume ko, saka may hair extension ako. Mabuti na lang wala akong headdress na tulad ng mga Mulawin, pero nasasanay na rin ako, hindi rin kasi biro ang mga ginagawa namin at sa palipat-lipat na location ng taping, napakainit pa naman ng panahon.
“Pero sabi ko nga, nasasanay din ako. At ang isa pang pagbabago, kailangan kong matulog nang maaga, lagi sa gym, pampalakas ng katawan, hindi ko dapat pabayaan ang katawan ko dahil kailangan ko ito, lalo na kapag kinunan na ang mga labanan ng mga Mulawin at Ravena. Ayaw kong biguin ang production, sina Direk Dominic Zapata at Direk Don Michael Perez.
“Kaya labis-labis ang pasasalamat ko sa GMA Network na lagi nila akong binibigyan at pinagkakatiwalaan ng malalaking projects.”
Nakalipat na si Dennis sa bagong bahay na ipinatayo niya para sa kanyang pamilya at sama-sama sila roon. Ibinenta ba niya ang dating bahay niya?
“Hindi po, pina-renovate ko lang. Ayaw kong ibenta, kasi nagbigay iyon sa akin ng malalaking suwerte, saka gagawin ko na lang half-way house kung gusto kong mapag-isa para sa bago kong telefantasya dahil twelve years na rin nang una naming gawin ang Mulawin noon. Sana po ay samahan ninyo kami simula sa Lunes, May 22, pagkatapos ng 24 Oras.”
(NORA CALDERON)