Tinutugis na ng awtoridad ang apat na hinihinalang holdaper, kabilang ang dalawang teenager, na bumiktima sa isang police inspector sa loob ng pampasaherong bus sa Pasay City, nitong Lunes.

Kinilala ni Senior Superintendent Lawrence Coop, hepe ng Pasay City police, ang mga suspek na sina Norman Deyta, 20; Edgar Binayug, 21; Wendel Padilla, 17; at Junel Victorino, 18.

Kinilala rin ni Coop ang biktima na si Inspector Paul Kenneth Magan, 23, nakatalaga sa national headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, sinamahan si Magan ng mga dati niyang kasamahan sa Pasay City Police Community Precinct (PCP)-4 sa pagsakay niya ng bus sa EDSA-Rotonda, Pasay, dakong 12:00 ng madaling araw, matapos nilang magkita-kita. Patungo sa Camp Crame si Magan.

National

Preventive suspension na inisyu ng Ombudsman, ‘politically motivated’—Mayor Marcy

Pagsapit sa E. Rodriguez Street, Malibay, dakong 12:30 ng madaling araw, nagpanggap na pasahero ang apat na suspek at nagdeklara ng holdup at tinutukan ng baril si Magan habang pilit kinukuha ang kanyang mga bag.

Ayon sa ulat, bumunot ng baril si Deyta at sinabihan si Magan na: “Hinatid ka ng pulis ‘di ba? Huwag kang gagalaw!

Ibigay mo ‘yung bag mo sa akin at ‘yung sling bag na kulay itim.”

Kinuha ng mga suspek ang baril ni Magan, maging ang kanyang ATM card, police ID, cell phone na nagkakahalaga ng P10,000 at class bull ring na nagkakahalaga ng P25,000. Tinangay naman ng mga kasabwat ni Deyta ang mga gamit ng iba pang pasahero.

Matapos ang insidente, bumaba ang mga suspek at tumakas patungong Apelo Cruz Street.

Sinabi ni Magan na hindi niya nagawang makalaban sa mga suspek dahil pawang armado ito at maaaring mapahamak ang iba pang pasahero.

Nagsasagawa na ng follow up operation, ayon kay Coop. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)