Mistulang baboy na kinatay isang isang lalaking tagakatay ng manok, matapos siyang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng kanyang kaibigan sa loob ng palengke sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Ricardo Balsabal, 35, dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kusang loob namang sumuko sa mga pulis si Bryan Lanay, 34, na kakasuhan ng murder.

Ayon sa ulat, bandang 2:30 ng umaga at abala sa pagkakatay ng manok ang biktima habang kausap ang mga tindera ng karne sa Central Market sa Malabon nang sumulpot ang suspek.

National

Guanzon, binalikan dating pahayag ni Willie hinggil sa politika: ‘Igiling-giling talaga!’

Nakahubad-baro at armado ng patalim, sinugod umano ni Lanay ng saksak si Balsabal.

Kahit sugatan, nagagawa pa ring salagin ng biktima ang ilan sa mga saksak hanggang sa makatakbo siya sa bungad ng palengke.

Hinabol siya ni Lanay at nang abutan ay muling inararo ng saksak ang kaibigan.

“Magkaibigan po ‘yung dalawang ‘yan at lagi silang magkasama sa inuman,” sabi ng mga tindera.

Ayon naman sa suspek, lagi raw siyang inaasar ng kaibigan at sinasabihan pang hanggang tagay lang.

“Kaibigan ko siya kaya lang nakakapundi na ang pag-aasar niya. Parang nakakalalaki, eh,” ani Lanay. (Orly L. Barcala)