Patay ang isang 66-anyos na lalaki matapos mabundol ng humaharurot na motorsiklo habang tumatawid sa Caloocan City, nitong Linggo ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Buenaventura Salonga, dahil sa pagkakabagok nito sa semento, bukod pa sa nagtamo ng sugat sa tagiliran at sa kanang hita.
Tumakas naman ang hindi pa nakikilalang rider matapos ang insidente.
Ayon sa report ng Caloocan City Traffic Enforcement Unit (CCTU) , bandang 7:00 ng gabi at tumatawid si Salonga sa Rizal Avenue sa Caloocan nang bigla itong mabangga ng motorsiklo.
Tumilapon ang matanda dahil sa lakas ng pagkakabundol habang sumemplang naman ang rider, na nagmamadaling tumayo at pinasibad ang motorsiklo papatakas.
Nananawagan ang pamilya ni Salonga sa rider na sumuko na sa mga awtoridad at panagutan ang krimen, lalo pa at nakita ang mukha nito sa kuha ng CCTV camera malapit sa pinangyarihan ng aksidente. (Orly L. Barcala)