Sinibak na sa serbisyo ang mga pulis na umano’y sangkot sa pagpatay kina Jee Ick Joo at Albuera Mayor Rolando Espinosa, kinumpirma kahapon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Mismong si Inspector General Atty. Alfegar Triambulo ang nagsabi na “dismissal from police service” ang naging hatol sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kina Joo at Espinosa.
Ayon kay Triambulo, noong Marso pa nilagdaan ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanilang rekomendasyon laban sa mga principal suspect sa pagpatay kay Joo na sina Supt. Rafael Dumlao, SPO2 Ricky Sta. Isabel, at SPO4 Roy Villegas.
Samantala, sinabi rin ni Triambulo na “dismissed from service” din ang kanilang desisyon laban grupo ni Supt. Marvin Marcos na umano’y nasa likod ng pagpatay kay Espinosa. (FER TABOY)